Patay ang isang 25-anyos na vendor matapos na magbigti nang mabwisit sa palagiang pakikipagtalo sa kanyang kasintahan kamakalawa ng umaga sa Vitas, Katuparan, Tondo, Maynila.
Kinilala ni PCpl. Gary Reyes, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang si Romeo Amador.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima alas-9:30 ng umaga nang tumawag si Bon Jovi Gregorio, karpintero at kapartner ng biktima, sa ina nitong si Alma Amador para gisingin ang anak dahil mahuhuli na sa trabaho at hindi nito sinasagot ang kanyang cellphone.
Nang puntahan sa silid, nakita ang biktima na nakabigti gamit ang isang kulay dilaw na nylon cord at wala na itong buhay.
Ayon kay Alma, huli niyang nakitang buhay ang anak noong gabi na bumili ng alak.
Wala namang nakitang foulplay ang pulisya sa pagkamatay ng biktima pero malimit umanong nagtatalo ang biktima at kanyang partner lalo na kapag nakakainom ng alak ang biktima.