SINABI ng Korte Suprema na hindi maaring gamiting dahilan para suspendihin ang isang guro na nagbuntis pero hindi pa kasal sa kanyang nobyo.
Ayon sa Supreme Court (SC) hindi umano maituturing na ‘immoral’ ang isang pre-marital relation na naging dahilan para mabuntis ang nasabing guro.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ricardo R. Rosario,ng SC First Division, inatasan nito ang Bohol Wisdom School’s (BWS) na bayaran ang suweldo at lahat ng benepisyo ng guro mula noong siya ay suspendihin, dahil siya ay nabuntis ng kanyang nobyo.
Nabatid na ang Grade 2 teacher ay sinuspinde ni Raul Deloso, principal ng paaralan, noong dalawang buwan pa lamang ang kanyang tiyan.
Sinabihan umano siya ni Deloso na aalisin lamang ang suspension order laban sa kanya sa sandaling pakasalañan siya ng kanyang nobyo.
Sanhi nito,nagsampa ng kasong illegal suspension ang guro sa labor arbiter hanggang sa umabot sa Court of Appeals (CA) ang kaso, kung saan kinatigan ng SC ang CA na iligal ang suspension.
“The SC affirmed the CA’s finding of illegal suspension. It held that sexual relations between two unmarried, consenting adults are not mmoral. No law prohibits this, nor does it go against any fundamental state policy found in the Constitution,” ayon sa desisyon.














