IMBES na sa ospital ay sa kulungan bumagsak ang isang rider na una nang naaksidente, nang mahulihan ng 9mm kalibreng baril, kamakalawa sa Ermita, Maynila.
Ayon sa Manila Police District -Police Station 5, arestado ang suspek na si Kenny Roger Tolentino y Ancheta ,alyas “Kenny”, 27, ng BIk 11, Sawata St., Maypajo, Brgy. 35, Caloocan City .
Naganap umano ang insidente sa L. Guerrero St. sa harap ng Empire Tower, Brgy. 668, Ermita, Maynila, alas-2:50 ng madaling araw.
Diumano, unang nakita si Tolentino na nawalan ng kontrol ang minamanehong motorsiklo ng mga nagpapatrulyang pulis ng J.Bocobo Police Community Precinct. Nang lapitan para tulungan ay bigla itong sumakay sa motorsiklo at pinaharurot ito, kaya hinabol ng mga pulis hanggang makorner ito sa Padre Faura Street malapit sa Roxas Boulevard Service Road.
Bago nakorner ay nakabangga pa ng isang motorcycle rider ang suspek kaya iniwan na nito ang dalang motorsiklo at tumakbo pabalik pero ilang guwardiya ang tumulong at nakorner ito. Diumano ay tinangka pang bumunot ng baril ng suspek pero agad naalerto ang mga pulis hanggang sa maagaw ang hawak nitong baril.
Nalaman na walang dokumento ang baril Gayundin ang minamaneho nitong motorsiklo na walang plaka.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, spokesperson ng MPD nakikipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office para malaman kung nakaw ba ang motorsiklong gamit ng suspek dahil wala itong mga dokumento.
Ayon kay Ines, nakakuha sila ng mga impormasyon na posibleng miyembro ng grupo ng mga motorcycle riding criminal ang suspek na nanghoholdap sa Maynila at mga karatig na siyudad sa Metro Manila na lumilinya rin sa gun for hire.
Todo tanggi ang suspek na sa kanya ang baril at napulot lamang umano niya ito at sinubukan niyang tumakas dahil may banta umano sa kaniyang buhay dahil marami ang may gusto sa kaniyang nobya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A.10591 (Comprehensíve Law on Firearms and Ammunitions Regulation Act) at Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) ,ang suspek sa Manila Prosecutors Office.














