NATUNTON ng mga ahente ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang mga pinagdalhan ng mga hinihinalang multi-million smuggled items sa isinagawang magkakahiwalay na pagsalakay.
Apat na 40- foot container vans ang nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU) at Office of the Special Envoy on Transnational Crime (OSETC) na naglalaman ng smuggled goods, matapos ang ikinasang anti-smuggling operation sa Parañaque, Valenzuela at Bocaue, Bulacan.
Armado ng tatlong search warrant para sa paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, sinalakay ng mga pulis ang mga bodega na pinagsususpetsahang pinagtataguan ng mga ipinuslit na produkto mula sa Port of Manila.
Ayon sa CIDG, ang mga container vans ay naglalaman ng mga ‘misdeclared contrabands or technical smuggled items’ upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga nasabat na misdeclared goods upang mapanagot ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad.














