ITINATAYANG milyong pisong halaga ng hinihinalang smuggled fuel ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Army at mga ahente ng Bureau of Custom sa Tarragona, Davao Oriental .
Sa inisyal na ulat, isang joint anti-fuel pilferage operation ang inilunsad ng magkasanib na puwersa ng military at BOC at limang Lorries truck na may kargang unmarked fuel ang nasabat.
Una rito, nakatanggap ng intelligence information ang Philippine Army 10th Infantry Division, hinggil sa planong pagpupuslit ng hinihinalang unmarked fuel sa Tarragona, Davao Oriental.
Ilang tanker trucks ang napansin ng mga intelligence operatives sa lugar na nagdulot ng hinala na may nagaganap na smuggling activities.
Agad na nagkasa ng pinagsanib na operasyon ang Bureau of Customs (BOC) at 701st Infantry Division, at limang lorries na may dalang humigit-kumulang 238,000 litro ng unmarked diesel ang na-intercept sa bayan Tarragona.
Ayon sa ulat, isang barko na tinutukoy bilang Aquaman 3 ang nakitang lumayo sa pantalan matapos ang paglipat ng fuel sa mga lorry trucks na papunta sa Mati.
Agad na naglagay ng mga checkpoint ang Enforcement and Security Service (ESS) ng BOC at Army na nagresulta sa pagkaka-intercept ng limang lorries na may dalang unmarked smuggled fuel.
Nagsagawa ng paunang pagsusuri ang mga chemist ng Aduana sa kargang diesesl subalit natigil ang fuel marking analysis nang dumating ang mga armadong sibilyan na nagpakilalang mga PNP intelligence agents, kaya ineskortan ng military ang mga truck para madala ang mga tanker sa Banaybanay .
Ang mga pauna at kumpirmatoryong pagsusuri sa lahat ng sample na kinuha mula sa limang lorries ay nagpakita ng negative result or 0% Relative Marker Level na nagbigay-daan sa para kumpiskahin at i-detain ang mga nasabing lorries at unmarked fuel.
Sinabi ni Commissioner Bienvenido Rubio na “ang BOC ay nananatiling matatag sa kanyang pangako na makipagtulungan sa mga kapartner na ahensya sa pagpapatupad ng batas upang masugpo ang ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo at palakasin ang mga hakbang sa seguridad sa dagat. Ang pagpapatupad at koordinasyon ng BOC ay nagpapakita ng walang humpay na dedikasyon sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng ating maritime domain gayundin ang proteksyon sa mga interes ng mga respetadong negosyo sa bansa.”














