Latest News

DILG, NAGWAGI NG SELYO NG KAHUSAYAN SA SERBISYO PUBLIKO SA IKA-3 PAGKAKATAON

By: Victor Baldemor Ruiz

Sa ikatlong magkakasunod na taon, muling kinilala ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) bilang isa sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan na tatanggap ng prestihiyosong Antas 2 ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) kahapon, Agosto 30, 2023 sa Manila Metropolitan Theater, Lungsod ng Maynila.

“Ang karangalan na ito ay isang matibay na patunay sa masigasig at patuloy na pagtataguyod ng DILG sa Wikang Filipino sa pagbibigay ng matino, mahusay at maaasahang paglilingkod sa ating mga kababayan,” ani SILG Atty Benhur Abalos Jr.

Ang KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 ay pagkilala para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan na sumunod sa implementasyon ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 o EO 335 at nagpamalas ng kahusayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko.


Pahayag pa ni Sec Abalos, ang karangalan ay magsisilbing paalala at inspirasyon upang lalong paigtingin ang paggamit ng Wikang Filipino sa pagkakaloob ng serbisyo at pagtupad na mandato ng Kagawaran.

Dagdag pa ng kalihim, ang DILG at ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo – Kawanihan ng mga Manggagawang may Tanging Pangangailangan (DOLE-BWSC) lamang ang dalawang kagawaran na tatanggap ng Antas 2 na parangal.


Pinasalamatan at kinilala din ni Abalos ang lahat ng mga kawani ng Kagawaran para sa kanilang dedikasyon at pagpupursigi upang mas palawakin ang paggamit ng pambansang wika sa mga proseso at pagbibigay serbisyo ng ahensya.

Sa kabuuan, labimpitong pambansang ahensya at lokal na pamahalaan ang tatanggap ng gantimpala mula sa KWF.


Tags: Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG)

You May Also Like

Most Read