IBAYONG pag-iingat ang panawagan ngayon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) sa mga residenteng malapit sa Bulkang Kanlaon, dahil hindi pa rin sila ligtas sa posibleng malakas na pagsabog nito.
Babala ng NDRRMC-OCD, maging mapagmatyag at sumunod sa instruction ng mga ahensya ng gobyerno dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon na sinabayan pa ng pagragasa ng tubig na may abo at mga bato, partikular na sa Barangay Biak na Bato, La Castellana, Negros Occidental.
Nabatid na pinag-iingat ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residente dito at pinayuhang magsilikas na dahil sa nagpapatuloy na pagragasa ng tubig na may kasamang lahar dulot ng mga pag- ulan.
Kasabay nito ay pinaigting din ng OCD ang kanilang response operations dahil pa rin sa patuloy na pagpapakita ng abnormalidad ng bulkan.
Ayon kay Civil Defense Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, ang kanilang regional counterparts sa Western at Central Visayas ay patuloy sa pakikipag-ugnayan sa mga concerned agencies at local authorities para sa tamang implementasyon ng response protocols at pagbibigay ng karagdagang tulong at suporta sa mga apektadong residente.
Pahayag pa ni Nepomuceno, sa panahong ito kinakailangang mas laging handa dahil sa pinangangambahang tatagal pa ang nararanasang pag-aalburoto ng Kanlaon.
Nagpulong ang mga opisyal ng OCD-NDRRMC at tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon gayundin ang mga kinakailangang paghahanda hinggil sa posibilidad na muling pagputok ng bulkan.
Patuloy rin ang pagbibigay paalala ng OCD sa mga residenteng malapit sa danger zone na lumayo sa mga ilog at sapa dahil sa pagragasa ng ‘lahar flow’ upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Kaugnay nito ay inihanda ng Philippine Air Force ang kanilang mga air assets para sa posibleng mabilisang pagkilos, evacuation o paghahatid ng supplies.
Gayundin ang ginagawa ngayon ng Philippine Army, kung saan patuloy ang pakikipag- ugnayan ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines sa iba’t-ibang Local Disaster Risk Reduction and Management Council sa Western Visayas bunsod ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon at nagaganap na mudflow sanhi ng naipong lahar na dumadausdos dala ng mga pag-ulan.
Ayon kay VISCOM Chief, LtGen. Fernando Reyeg, mahigpit ang ugnayan ng kanilang mga tauhan para tiyakin ang mabilis na pagresponde. Ipinakalat ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army sa Negros Island ang kanilang 464 na tauhan, kabilang ang CAFGU Active Auxiliaries at 42 sasakyan bukod pa sa mga emergency assets.
Ang mga ipinadalang tauhan ay kabilang sa 47 Disaster Response Task Units mula sa 79th, 62nd at 94th Infantry Battalion at 542nd Engineer Construction Battalion ng 303rd Infantry Brigade, maging ang 47th at 15th Infantry Battalion ng 302nd Infantry Brigade.
Ayon kay 3ID Commander Major General Marion Sison, ang deployment ng Disaster Response Task Units ay para agad na makaresponde anuman ang mangyari sa Mt. Kanlaon, lalo na’t patuloy pa rin ang pag-aalburoto nito.
“The Philippine Air Force (PAF), through its 205th Tactical Helicopter Wing air assets, along with the Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 7 and Office of Civil Defense (OCD) Region 6, swiftly responded to the eruption of Mt. Kanlaon by conducting a Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA),” ani Col. Ma Consuelo Castillo, ang tagapagsalita ng PAF.
The RDANA mission, utilizing one (1) Bell 412 and one (1) UH-1H helicopter, assessed the situation in the affected areas of Moises Padilla, La Carlota, La Castellana, Bago City, and Canlaon City in Negros Occidental. This crucial operation gathered essential information and visuals to determine the extent of the damage and identify the pressing needs of the affected communities, dagdag nito.
Sa katunayan, aabot umano sa 945 na mga residente ang inilikas ng 62nd Infantry Battalion sa ilang barangay sa Canlaon City, Bago City, Pontevedra, San Carlos City, La Carlota City at La Castellana sa Negros Occidental.
Mayroon din silang naka-standby na 464 na mga tauhan para magsilbing Humanitarian Assistance and Disaster Response Teams sa Western Visayas.
Kasunod nito, mahigpit na binabantayan ng VISCOM katuwang ang PNP at DRRMO ang mga bayang sakop ng 4 kilometer – radius Permanent Danger Zone.