Latest News

MSU bombing, mariing kinondena ng CBCP

By: Carl Angelo

Mariing kinukondena ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naganap na pambobomba sa loob mismo ng gymnasium ng Mindanao State University (MSU) nitong Linggo ng umaga, Disyembre 3, na nagresulta sa pagkamatay ng ilang indibidwal at pagkasugat ng iba pa.

Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng CBCP Social Action Justice and Peace Commission, walang puwang sa pamayanan ang anumang uri ng karahasan.

Umapela rin ang obispo sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan lalo na ngayong Christmas season.


Panawagan rin niya na kaagad na tukuyin, arestuhin at panagutin sa batas ang mga taong may kagagawan ng naturang karahasan.

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), dakong alas-7:10 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Dimaparo Gymnasium ng MSU habang dumadalo ng Banal na Misa ang mga estudyante at kawani ng unibersidad.


Ikinalungkot rin ng obispo ang insidente lalo’t nagsusumikap ang religious leaders ng Mindanao na isulong ang pagbubuklod sa lugar upang makamit ang kapayapaan ng pamayanan.

“I am appalled by the blatant act of terror that the perpetrators were able to commit especially at this time when we are celebrating the Mindanao Week of Peace!” aniya pa.


Nagpaabot rin si Bagaforo nang taos-pusong pakikiramay sa mga nasawi sa pambobomba habang nakikiisa sa mga biktima at buong komunidad na apektado ng karahasan.

Panawagan pa niya, magkaisang isulong ang kapatiran sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, paniniwala at tradisyong kinabibilangan.

Tags: Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)

You May Also Like

Most Read