Kaagad na ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang pagbuo ng isang interagency task force upang siyang rumesponde at mag-imbestiga sa isang bomb threat na natanggap ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Biyernes ng umaga.
Batay sa ulat, ang bomb threat laban sa MRT-3 ay natanggap sa pamamagitan ng isang email, kung saan nakasaad na ang pagpapasabog ay isasagawa nitong Biyernes ng hapon.
Dahil dito, kaagad na ipinag-utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang pag-activate sa isang Inter-Agency Task Force (IATF) na binubuo ng Office for the Transportation Security (OTSS) ng DOTr, Cybercrime Investigation Coordinating Center (CICC) ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police (PNP) at Railway Security.
Inatasan rin ni Bautista ang naturang task force na paigtingin ang security deployment sa lahat ng sektor ng transportasyon.
Kaagad ring nagsagawa ang task force ng visual check inspection sa mga pasilidad ng MRT-3 upang matiyak ang reliability ng sistema.
Ayon sa DOTr, “We are conducting continuous assessment as to the credibility of the threat as basis for our next actions.”
Samantala, tiniyak rin ng MRT-3 na nagpapatupad sila ng mga kinakailangang precautionary measures at mga pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng riding public.
Umapela naman ang DOTr at MRT-3 sa mga social media users na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, gaya ng bomb threats.
“We appeal to netizens to refrain from circulating and sharing unverified information so as not to cause undue panic,” anito pa.
Paniniguro pa nito, ginagawa ng task force ang lahat upang matiyak na ligtas ang kanilang pagbiyahe sa lahat ng public transport system sa bansa.
Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.














