INIHAYAG ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na hindi humihina ang kampanya ng pulisya kontra iligal na droga makaraan ang pagkakasabat ng nasa P6.7 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa Tondo at Quiapo, Maynila.
Sa halip, iginiit ni MPD Director PBGen Andre Dizon na patunay na maigting pa rin ang kampanya ng pulisya kontra iligal na droga sa pagkakasabat ng pinakamalaking halaga ng shabu sa Maynila.
Kumpiyansa rin si Dizon na walang masasangkot sa kaniyang mga tauhan sa transaksyon sa iligal na droga sa ngayon dahil sa mahigpit nilang pagbabantay sa isa’t isa partikular na ang pagsasagawa ng ‘random drug testing’.
Ito ay makaraang isang miyembro ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ang masabat sa ikalawang operasyon sa Quiapo kung saan nahulihan siya ng dalawang kilo ng shabu.
Patuloy rin umano ang ginagawa nilang ‘internal cleansing’ sa mga tauhan kung saan tinutukoy ang mga bugok na miyembro nila at pinapatawan ng kaukulang mga parusa.
Napag-alamang pinagsabihan rin ni Dizon ang mga tauhan na wala nang dahilan para masangkot sila sa iligal na gawain makaraang taasan na ng pamahalaan ang tinatanggap nilang suweldo bukod pa sa iba’t- ibang benepisyong natatanggap nila. (Carl Angelo)














