Iniulat ng Manila Police District (MPD) nitong Huwebes na naibalik na nila sa piitan ang pito sa siyam na preso na nakatakas mula sa custodial facility ng Raxabago Police Station 1 (PS-1) habang patuloy pa rin nilang pinaghahanap ang dalawang iba pang takas na bilanggo.
Ayon sa MPD, hanggang 5:30 ng hapon nitong Miyerkules ay naibalik na nila sa bilangguan sina Gian Carlo Rayala, John Joseph Laguna, MJ Tuazon, Albert Calayas, at Adriano Zilmar, na pawang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165; at sina Arnold Olino at Jericho Andal Antipuesto, na kapwa nahaharap naman sa mga kasong paglabag sa RA 10591 in relation to BP 881.
Samantala, kabilang naman sa mga puganteng target ng manhunt operation ng MPD ay sina Jefferson Bunso Tumbaga, na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 in relation to BP 881, at Master Cedric Zodiacal Velasco, na nahaharap naman sa kasong robbery.
Kaugnay nito, nanawagan naman si MPD Director PCOL Arnold Thomas Ibay sa mga pugante na boluntaryo nang sumuko sa mga awtoridad.
“Sa mga escapees, bumalik na sila at sumuko dahil may pananagutan sila sa batas at huwag na nilang dagdagan ang kanilang pananagutan,” ayon kay Ibay.
Dagdag pa niya, “Pwede naman silang sumuko, pwede naman silang magpasama sa mga pinagkakatiwalaan nila o dumirekta sa aking opisina.”
Matatandaang ang naturang siyam na Person Under Police Custody (PUPC ) ay nakatakas mula sa piitan ng MPD-PS-1 dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Miyerkules sa pamamagitan nang pagwasak sa rehas na bakal, sa gilid ng kulungan.
Upang bigyang-daan naman ang imbestigasyon, kaagad nang sinibak ni Ibay sa puwesto sina MPD-PS1 Station Commander PLTCOL Roberto Mupas, ang kanyang deputy commander, gayundin ang mga pulis na naka-duty nang maganap ang jailbreak.














