Iniulat kahapon ng Manila Police District (MPD) na tinatayang aabot sa 10,000 deboto ang dumalo sa unang gabi ng tradisyunal na ‘pahalik’ para sa Itim na Nazareno, na isinagawa sa Quirino Grandstand nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay MPD Acting Director PCOL Arnold Thomas Ibay, sinimulan ang pagpila para sa ‘pahalik’ ganap na alas-7:00 ng gabi.
Pagkatapos naman aniya ng misa para sa mga volunteers ay binuksan na ang aktibidad para sa mga deboto.
“Meron na tayong mga 10,000 (deboto) as of last night,” ani Ibay, sa panayam sa radyo.
Nabatid na ang ‘pahalik’ ay magtatagal hanggang sa gabi ng Enero 8, bisperas ng Pista ng Itim na Nazareno.
Matapos ang ‘pahalik’ ay kaagad nang sisimulan ang isang banal na misa bago tuluyang isagawa ang Traslacion 2024 o ang prusisyon upang ibalik ang imahe ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Kaugnay nito, iniulat rin ni Ibay na hanggang nitong Linggo ng umaga ay wala pa naman silang namo-monitor na anumang hindi kanais-nais na kaganapan na may kaugnayan sa inaabangang pista.
Partikular na tinukoy ni Ibay ang Roxas Boulevard, kung saan libu-libong tao ang inaasahang magtitipon upang magkaroon ng pagkakataon na masilayan, hipuin o punasan ng panyo at tuwalya ang imahe, gayundin ang Quiapo Church, kung saan tuluy-tuloy ang pagdaraos ng Sunday masses.
Ayon sa MPD, hanggang alas-7:00 ng umaga nitong Linggo ay nasa 15,000 deboto na ang nagtungo sa Quiapo Church upang magsimba.
Matatandaang mahigpit pa ring ipinagbabawal ang literal na paghalik sa imahe ngayong taon, upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19 at iba pang karamdaman.