MOVEIT RIDER, NASAWI SA DUMP TRUCK

By: Baby Cuevas

NASAWI ang isang rider nang masagasaan ng isang dump truck matapos na sumemplang, nang makasagian ang isang sasakyan sa Ermita, Manila nitong Huwebes.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Archie Agustines, 33, Move It rider at residente ng Poblacion Lapuyan, Zamboanga Del Sur, matapos na maipit ng dump truck.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang truck driver na si Johnny Wilson Timpug, 38, ng Pabanlag, Floridablanca, Pampanga.


Lumilitaw sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) na dakong alas-5:48 ng hapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Roxas Boulevard, kanto ng Remedios St., sa Ermita.

Nauna rito, minamaneho ng biktima ang kanyang Honda Click motorcycle sa southbound ng Roxas Boulevard, nang pagsapit sa kanto ng Remedios Street ay mahagip nito ang unahang kanang bahagi ng isang Toyota Avanza na minamaneho ni Edmar Morales, na noon ay kasabay niyang bumabaybay sa lugar.


Dahil sa banggaan, nawalan ng kontrol ang biktima sa motorsiklo at sumemplang sa sementadong kalye.

Nasagasaan ito ng kanang harapang gulong ng dump truck na minamaneho ni Timpug at doon ay binawian ng buhay.


Ang suspek ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Physical Injury with Damage to Property sa piskalya.

Tags: Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)

You May Also Like

Most Read