AGAD na pinasimulan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon laban sa apat na pulis na inaakusahang sangkot umano sa kidnapping syndicate matapos silang dakpin dahil sa pagdukot sa apat na banyaga sa Pasay City.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, nag-umpisa na ang kanilang pre-charge investigation na siyang unang hakbang sa paghahain ng kasong administratibo laban sa mga iprinisintang pulis na sinasabing mga pangunahing suspek sa pagdukot sa tatlong Chinese at isang Malaysian nationals.
Sinasabing oras na makakalap na ang mga kinakailangang ebidensya ay agad na magrerekomenda ang PNP-IAS ng dismissal o pagsibak sa serbisyo laban sa mga sangkot na pulis.
Magugunitang una nang ipinahayag ng Department of Interior and Local Government at PNP na sindikato ang apat na pulis na mayroong mga kasabwat na sibilyan, makaraang iprisinta sila sa media sa Camp Crame.
May mga lumutang na impormasyon na may isang dating pulitiko at isang tauhan ng immigration ang kasabwat umano at kasama sa mga nagplano ng nasabing pagdukot sa mga banyaga
“This incident is a serious breach of public trust and the core values of the police force. The Philippine National Police (PNP) will not tolerate any misconduct within their ranks,” ayon kay SILG Benhur Abalos sa ginanap na presentation ng mga suspek.
“They are committed to transparency throughout the investigation and prosecution process and will provide regular updates to ensure all developments are communicated effectively,” anang kalihim.
Ang mga suspek ay may ranggo na Police Major; Police Senior Master Sergeant; Police Master Sergeant at Police Staff Sergeant na nakatalaga umano sa Makati City, Pasay City, Camp Crame at sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa facts of the case na ibinahagi ni Sec. Abalos, sakay ang apat na foreign nationals ng kanilang sasakyan nang harangin sila ng ilang pulis sakay ng Philippine National Police (PNP) motorcycle sa Taft Avenue. Nakasunod din ang isang puting van sa kanilang sasakyan.
“Pagkatapos bumababa at kinuha yung apat na dayuhan. They abducted the four individuals,” pahayag pa ng kalihim.
Pinakawalan umano ang dalawa na kapawa nagtamo ng injuries, matapos magbigay ng P2.5 milyong ransom sa kidnappers, habang nakatakas naman umano ang dalawa na humingi ng tulong sa mga awtoridad kaya nagkasa ng operasyon ang huli at nasakote ang apat na pulis, pahayag naman ni General Marbil.