ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District -Station 12 sa San Andres Bukid,Maynila ang isang lalaki na nasa ‘Most Wanted Person (MWP)’ list dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng nasabing istasyon MPD-PS12 ang suspek na si Jay-R Bernal y Torpe, 32 , market helper at residente ng 2433 Crisolita St, Brgy 77, San Andres Bukid, Maynila, matapos maaresto alas- 12:45 ng hapon.
Ayon sa pulisya, si Bernal ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Danilo Leyva ng Manila Regional Trial Court Branch 175, dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ang suspek ay nakatakdang i-turn over sa korte para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan nito.














