Latest News

‘MONSTER’ COLLAB MOVIE NINA SYLVIA, RIA AT LORNA WITH JAPANESE ACTORS

By: Beth Gelena

MAY movie na ipalalabas sina Sylvia Sanchez, Ria Atayde, at Lorna Tolentino sa kauna-unahang pagkakataon.

Showing ang movie dito sa bansa sa October 11.

Ang movie ay collab ng Nathan Studios at ng beteranang aktres na si Lorna.


Isa itong internationally acclaimed Japanese drama entitled “Monster.”

Nagsimula ang partnership nina Sylvia, Ria ng Nathan Studios at Lorna last summer nu’ng sama-sama silang bumiyahe sa Cannes Film Festival sa France para sa espesyal na screening ng “Topakk” na pinagbibidahan ni Arjo Atayde under the direction of Richard V. Somes.

Maliban sa screening ng “Topakk” sa Cannes, dito din nagsosyo ang Nath Studios at ang aktres
sa pagbili ng mga pelikulang kanilang ire-release for theatrical showing dito sa Pilipinas.

Sa direksyon ng nirerespeto at multi-awarded direktor na si Hirokazu Kore-eda, tampok sa “Monster” ang mahuhusay na Japanese actors gaya nina Sakura Ando, Eita Nagayama, Soya Kurokawa, Hinata Hiiragi, at Yuko Tanaka.


Ang istorya ng “Monster” ay umiikot sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at sinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.

“Kakaiba itong pelikulang ito,” say ni Sylvia, na kilala sa kanyang powerful performance bilang isang ina sa pelikula at telebisyon.

“Mahilig akong manood ng pelikula at sa dinami-dami ng aking napanood, isa itong “Monster” na talaga namang dumurog ng todo sa puso ko bilang isang ina,” aniya.

Ayon naman kay Ria, na tumatayo bilang president and CEO ng Nathan Studios, isa ang “Monster” sa mga uri ng pelikula na angkop sa personalidad at mission-vision ng kanilang kumpanya.


“We are really aspiring and working very hard to offer cutting edge content that would challenge the minds and touch the hearts of viewers,” paliwanag ni Ria.

Karapat-dapat ding banggitin na ang Nathan Studios ang nasa liood ng mga delakidad na proyekto gaya ng “Cattleya Killer” na mapapanood ngayon sa streaming platform na Amazon Prime Video; at ang “Topakk” na isang action-thriller genre film na kasalukuyang umiikot sa mga prestihiyosong international film festivals sa iba’t ibang panig ng mundo gaya sa Switzerland, Japan, at Amerika.

Para kay Lorna naman, ang tinaguriang Grand Slam Queen ng Pilipinas, mahalaga at napapanahon ang mensahe ng “Monster.”

“Dapat talagang ma-address natin ang laban sa bullying at ang pagpapalaganap ng malusog na pag-iisip para sa lahat ng tao, bata man o matanda,” pahayag ni Lorna.

Aminado ang tatlong premyadong aktres na malaki ang naging epekto sa kanila ng “Monster” dahil talagang pinukaw at dinurog ng pelikulang ito ang kanilang mga puso.

“Isa na ito sa pinakamagandang mga pelikula na napanood ko. Mapapa-isip ka talaga kung sino ba talaga ang ‘Monster’,” paglalarawan ni Sylvia sa “Monster,” na lumaban para sa Palm d’Or sa katatapos lamang na 76th Cannes Film Festival.

Dito rin ay pinarangalan ang pelikula ng “Best Screenplay” award.

Bilang isang mga magulang at ina, nagkakaisa sina Sylvia at Lorna na karapat-dapat panoorin ng bawat Pilipino ang Monster dahil sa mga aral ng buhay na kanilang matutunan dito gaya ng pagmamahal sa anak at pagpapahalaga sa pamilya.

Para naman kay Ria, may matinding kurot sa puso ang “Monster” para sa kanya bilang isang anak na may sariling mga pangarap at minimithi sa buhay.

“Iba ang pagmamahalan ng isang ina at ng kanyang anak. Malalim ito at napakasakit kung ito ay mawawasak,” paliwanag ni Ria.

Nagkakaisa din ang tatlong aktres na major shocker ang ending ng pelikula matapos nitong yanigin ang buong mundo sa husay ng storytelling at acting na mapapanood dito.

Ipapalabas ang “Monster” sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa sa October 11 at kasalukuyang naghahanda ang Nathan Studios, kasama ang isa pa nitong partner — ang 888 Films International — para sa isang red carpet special screening na dadaluhan ng mga bigating industry personalities gaya ng mga direktor, mga artista, press at online influencers, at mga kritiko ng pelikula.

Para sa karagdagang impormasyon at exciting news updates ukol sa “Monster” at sa ibang pang mga proyekto ng Nathan Studios, sundan ang @nathan.studios sa Instagram at i-like ang Nathan Studios Inc. sa Facebook.

Tags: Lorna Tolentino, Ria Atayde, Sylvia Sanchez

You May Also Like

Most Read