MASASAKSIHAN ng sambayanang Pilipino ang mga makabagong sandata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gaganaping 125th Independence Day Celebration sa Luneta, kung saan magiging tampok ang modern firepower at iba pang war assets ng hukbo bilang bunga ng DND-AFP Modernization Program na layuning palakasin ang territorial defense capability ng bansa.
Kabilang sa ipaparada sa Hunyo 12 celebration ang apat na ground-based air defense systems surface-to-air missiles, dalawang Autonomous Truck-Mounted Howitzer System 155mm self-propelled artillery, bukod sa gagawing civic-military parade, flyby ng dalawang A-29B Super Tucano, isang AH-1S Cobra attack helicopter, dalawang Blackhawks, at dalawang AW-109 naval helicopters na magsasalimbayan sa himpapawid.
Sa ground, magkasabay na ipaparada ng mga tauhan ng Philippine Army, Air Force at Navy ang may 34 motorized/mechanized assets na sasabayan ng 26 aircraft na makikitang lumilipad sa may Manila bay na kabilang sa flyby contingent.
Nakikiisa ang Department of National Defense sa sambayanang Pilipino sa ika-125 Araw ng Kalayaan na may temang: “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,”
“Isang maalab na pagbati sa lahat ng Pilipino sa ika-125 na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas! As the newly designated Secretary of National Defense, it is a great honor to celebrate this momentous occasion as a part of the organization serving as the custodian of our sovereignty,” ani Defense Secretary Gilberto Teodoro.
“Ang ika-12 ng Hunyo ng bawat taon ay isa sa mga pinakamahalagang araw para sa sambayanang Pilipino. Ito ay hindi lamang araw upang ipagdiwang ang tagumpay ng ating kasarinlan, kung hindi isang paalala rin sa naging sakripisyo at katapangan ng ating mga ninuno sa ngalan ng pagtatatag at pagtatanggol ng ating bayan. Sa loob ng mahigit na isang siglo, ang kanilang kabayanihan ang nagsilbing gabay sa pagtataguyod ng soberanya ng ating Inang Bayan,” pahayag pa ni Sec Teodoro.
Ang pagdiriwang ngayong taon, na may temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.” ay patunay na sa pagbabalik-tanaw, unti-unti rin nating tinatahak ang daan tungo sa ating maunlad na kinabukasan, ayon naman kay AFP chief of Staff General Andres Centino.
“Habang ating pinahahalagahan ang kalayaang ipinagkaloob sa atin ng mga bayaning nakibaka at nag-alay ng kanilang buhay, tayo ay matibay at matapang na haharap sa mga pagsubok, bitbit ang mga mahahalagang aral hango sa makulay na kasaysayan. Sa ating pinagsama-samang lakas at kaalaman, madali nating makakamtan ang hangarin para sa isang mapayapa at maunlad na pamayanan. Sunod sa paksa ng pagdiriwang na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” tayo ay sumasagot at handang gumampan ng mahusay sa mga katungkulan at kaatasan upang mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan sa ating bansa habang tayo ay nagsisikap na palakasin ang kakayahang ipagtanggol ang ating kasarinlan. Tiyak ang ating tagumpay kung tayong lahat ay sama-sama at nagtutulungan sa pagtahak sa landas tungo sa magandang kinabukasan, dagdag pa ni Centino.














