By: JANTZEN ALVIN
Nagpaalala kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na aarangkada na simula ngayong Lunes, Nobyembre 13, ang pagpapataw ng mas mataas na multa para sa mga lalabag sa mga regulasyong ipinaiiral sa eksklusibong city bus lane/bus carousel lane sa EDSA.
“Simula bukas, Nobyembre 13, ipapatupad na ng ahensiya ang mas mataas na multa sa mga lalabag sa EDSA bus lane policy,” abiso pa ng MMDA nitong Linggo.
Ayon sa MMDA, ang pagtaas ng multa para sa mga hindi awtorisadong sasakyan na dumaraan sa bus lane ay para sa kaligtasan ng mga motorista at para hindi maantala ang byahe ng pampasaherong buses na dumadaan sa exclusive lane.
Dagdag pa nito, “Tandaan: Maliban sa bus, ang pinapayagan lamang dumaan sa inner lane ng EDSA ay ang mga ambulansya at iba pang sasakyan na ginagamit sa pagtugon sa emergency.”
Nabatid na sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, na inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), ang naturang tinaasang multa ay aplikable sa mga drivers ng mga pribado at pampublikong behikulo na lalabag sa regulasyon.
Anang MMDA, para sa unang paglabag, ang mga motorista ay papatawan ng P5,000 multa habang P10,000 multa naman na may isang buwang suspensiyon ng driver’s license at pagsailalim sa road safety seminar, ang ipapataw para sa ikalawang paglabag.
Para naman sa ikatlong paglabag, ang motorista ay papatawan ng P20,000 na multa na may kasamang isang taong suspensiyon ng driver’s license habang P30,000 mula naman na may kasamang rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) ng rebokasyon o pagbawi sa driver’s license, ang ipapataw sa violators na lalabag sa mga regulasyon sa ikaapat na pagkakataon.