Patay sa saksak ang isang scrap collector matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo sa kanyang live-in partner na inundayan siya ng saksak Martes ng gabi.
Nakilala ang biktimang si Emilio Paras Y Bautista, 48 anyos , ng 2525 Onyx St.., Brgy 775 San Andres Bukid, Manila.
Samantala, nahaharap sa kasong homicide ang suspek na nakilalang si Lilian Paberecio , alyas ” Laling” 37, ng nasabing lugar.
Base sa ulat na isinumite ni Det.Sir Christian Joseph Pineda kay PLt.Dennis De Jesus , hepe ng Manila Police District- Homicide Section, dakong alas- 7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng magkalive-in.
Isang Emily Hismaña Y Paras, 46 , biyuda at kapatid ng biktima, ang nagbigay ng salaysay sa pulisya.
Ayon dito, naririnig nito ang pagtatalo ng kanyang kuya at ng kinakasama nito.
Agad umano itong nagtungo sa kuwarto ng dalawa at nakita umano nito nang saksakin sa dibdib ang kanyang kuya.
Dahil dito, nagtulong-tulong ang mga kaanak ng biktima na maisugod ito sa Sta.Ana Hospital, subalit dakong alas- 8:24 ng gabi nang ideklarang patay si Paras ni Dr.Henrison Lim, kasabay naman ng pag-aresto ng suspek ng ilang opisyal ng barangay na siyang nag-turn over sa kanya sa MPD- Sta.Ana Police Station 6. (Arsenio Tan)














