MISTER, ARESTADO MATAPOS IKULONG ANG MISIS AT ANAK SA CONTAINER TRUCK

By: Baby Cuevas

ARESTADO sa Manila Police District (MPD) ang isang driver matapos na ikulong sa loob ng minamanehong truck ang kanyang misis at tatlong-anyos na anak sa loob ng tatlong araw, dahil sa matinding selos noong Biyernes ng umaga sa Port Area,Maynila

Ayon kay P/Lt. Colonel Emmanuel Gomez, station commander ng MPD-PS13, alas 10:30 ng umaga ng Pebrero 7 nang isilbi ang warrant of arrest sa suspek na si Alvin Vizcarra, 48, sa 2nd street cor. Tacoma St., Port Area, Maynila.

Napag-alamang si Vizcarra ay nasa top 3 most wanted (station level) ng MPD dahil sa kasong paglabag sa two counts ng serious illegal detention o Article 267 ng Revised Penal Code, two counts ng Section 5 (a), Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at paglabag sa Section 10 (a), RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.


Ang insidente ay naganap noong Hulyo 2024 matapos na may makitang mensahe ang suspek sa cellphone ng misis na ikinagalit nito.

Dahil sa selos, sinaktan umano nito ang kanyang misis bago ikinulong sa container truck.

Binibigyan lamang umano nito ng plastic ang mag-ina kung iihi at dudumi at kapag nag-iiyak ang bata dahil sa init sa loob ng container at nagugutom ay sinasabihan umano ng ama na ilalaglag sa truck.

Kalaunan, pinayagan naman ng suspek na lumabas ang mag-ina sa container truck at pinauwi sa kanilang bahay sa Bulacan kaya nagawang makapagsumbong sa pulis ang biktima.


Sinabi ng suspek na hindi niya pinagsisisihan ang nagawa sa asawa dahil hindi umano ito tumupad sa pangako na hindi na magloloko.#

Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Most Read