Latest News

‘MISSING’ KAPITAN NG MV JUNE ASTER, BUHAY, HUMARAP SA PCG

By: Philip Reyes

Matapos maiulat na nawawala, buhay at pormal nang humarap sa Philippine Coast Guard (PCG) ang kapitan ng nasunog na barkong MV June Aster.

Boluntaryong nagtungo si Captain Roel Sarmiento sa tanggapan ng vessel operator na Atienza Interisland Inc. sa Palawan noong Lunes, Setyembre 14, limang araw matapos na maganap ang trahedya sa karagatang sakop ng Coron noong Miyerkules, Setyembre 9, kung saan may 76 na naitalang namatay at 12 pa ang patuloy na nawawala.


Si Sarmiento ay nauna nang iniulat na nawawala nang hindi siya natagpuan sa isinasagawang search and rescue at retrieval operation sa nasabing barko.

Sinabi ng PCG na kaagad namang iniulat ng vessel operator ang paglutang ng Kapitan sa Emergency Operations Center at kalaunan ay nagtungo sa tanggapan ng PCG kasama si Dindo Macalinao, HR General ng Atienza Interisland Ferries Inc.

“The Philippine Coast Guard (PCG) confirms that MV June Aster Captain Roel Sarmiento voluntarily appeared at the Atienza Interisland Ferries Inc. office in Palawan yesterday, September 14, 2026. His appearance was subsequently reported to the Emergency Operations Center. Capt. Sarmiento was accompanied by Mr. Dindo Macalinao, HR General of Atienza Interisland Ferries Inc.,” ayon sa PCG.


Inihayag ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabayab na nakatakdang isailalim ng mga imbestigador sa interogasyon si Sarmiento upang matukoy ang mga pangyayari kaugnay ng nasabing trahedya.

“Investigators are scheduled to gather information from Captain Sarmiento regarding the circumstances surrounding the incident, including his whereabouts following the fire and what transpired before his appearance yesterday, five days after the tragedy at sea,” ani Cayabyab.




Umabot sa 76 na pasahero ang kumpirmadong nasawi nang masunog ang MV June Aster habang naglalayag patungo sa Coron mula sa Maynila noong Miyerkules.

Kabilang si Sarmiento, nasa 44 ang bilang ng mga nakaligtas sa sunog habang naitala naman sa 12 ang patuloy pa ring nawawala mula sa listahan ng mga pasahero.


Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like

Most Read