NAKATAKDANG makiisa sa idaraos na 2025 Alay Kapwa Telethon ang mga kandidata sa Miss Universe at kandidato ng Mr Filipinas sa darating na Lunes Santo, Abril 14, 2025.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radyo Veritas, Caritas Manila ,ang mga kandidato ang sasagot sa telepono at layunin umano ng taunang telethon na makalikom ng pondo upang masuportahan ang iba’t- ibang programa ng Simbahan, lalo na para sa mga mahihirap na apektado ng mga sakuna at kalamidad.
Kasabay niyan ay muling hinihikayat ng Caritas Manila ang mga kapanalig na makibahagi sa 2025 Alay Kapwa Telethon.
Ngayong taon ay muli umanong makakatuwang ng social arm ng Archdiocese of Manila ang kapanalig na himpilan, Radyo Veritas 846 upang muling kumatok sa mga may mabubuting puso na magbahagi ng tulong para sa mga higit na nangangailangan.
“Layunin ng ating taunang Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila na itaas ang ating pananagutan sa kalagayan ng ating mga kababayang mahihirap, lalo na ang mga apektado ng mga kalamidad–gawa ng tao, gawa ng kalikasan. Suportahan po natin ang ating mga kababayan na matulungan ang kanilang mga sarili,” paanyaya ni Fr. Pascual.
Samantala, kabilang sa mga programa ng social arm ng Archdiocese of Manila ang Caritas Damayan, Feeding Program, Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP), Restorative Justice, at Sanlakbay.