ISANG aktibong police officer ang nahaharap ngayon sa kasong parricide matapos niyang paulit-ulit na barilin ang kanyang misis sa harap ng kanilang 9-anyos na anak sa loob mismo ng City of Naga Police Station sa Cebu, habang naghahain ng reklamo ang biktima laban sa mister.
Kinilala ni Lt. Col. Junnel Caadlawon, hepe ng City of Naga Police Office ang ginang na si Heronia Mata, 39, isang teacher.
Binaril umano ito ng ilang ulit ni Police Staff Sgt. Fernando Mata, residente ng Brgy. Tuyan, Naga sa loob mismo ng Women’s and Children Protection Desk Unit habang naghahain ng kasong violence against women and children at physical abuse.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat na bandang alas-2:40 ng hapon araw ng Pasko ay dumating ang biktima sa naturang himpilan para ireklamo ang kanyang mister.
Nagalit umano ang pulis nang hilingin ng misis nito na sa labas ito makipag-usap sa kanyang babae, na nauwi sa pananakit ng mister sa biktima kaya nagsumbong at nagpasama sa kanyang kapatid na magtungo sa police station upang magsampa ng reklamo.
Sinasabing nasa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na ang biktima at nagsasalaysay ng kanyang reklamo nang biglang dumating si Fernando at paulit-uit na pinagbabaril ang biktima gamit ang kanyang service firearm.
Ayon pa sa ulat, nang maganap ang krimen ay tatlong tao lamang ang nasa loob ng tanggapan ng WCPD na nasa ikalawang palapag ng police station—ang biktima, ang suspek at ang WCPD staff na kaharap ng complainant, habang nasa labas naman umano ang kapatid ng biktima.
Agad namang dinakip ng kanyang mga kasamahang pulis ang suspek habang nagawa pang itakbo ang asawa nito sa pagamutan subalit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














