SA halip na masayang salu-salo bunsod ng kaarawan ng isang batang lalaki ay nauwi ito sa lamay nang pagtatagain ng ama nito ang kanyang nanay sa loob mismo ng kanilang tahanan sa bayan ng Maco, Davao De Oro, nitong nakalipas na Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ng Maco Municipal Police Station, patay sa pananaga ang 20 -anyos na si Jelly Joy Coscos .
Hawak naman ngayon ng mga awtoridad ang 28-anyos na live-in partner ng biktima matapos na sumuko sa kanilang barangay officials makaraan ang krimen.
Ayon sa Maco Municipal Police Station, masaya pa silang nagdiriwang sa birthday ng kanilang anak at nagkaroon din ng inuman kasama ang mga bisita at kamag-anak sa kanilang bahay Miyerkules ng gabi.
Gayunman, hindi natapos ang gabi ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag kalive-in bandang hatinggabi matapos na umuwi na ang mga bisita. Dito umano nagbanta si Coscos na aalis sa kanilang bahay at isasama ang kanilang anak na lalaki.
Sa puntong ito ay nagwala ang suspek at biglang pinagtataga ang biktima sa likod, ulo at iba pang bahagi ng katawan hanggang sa namatay ito. (VICTOR BALDEMOR)














