Latest News

MINING COMPANY, SINAMPAHAN NG KASO NG BISHOP

By: Carl Angelo

NAGSAMPA ng kaso sa Bayombong Regional Trial Court ang isang Bishop laban sa sang mining company, sa layong mapahinto ang operasyon nito sa Barangay Kasibu, Didipio, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, iligal ang Didipio mining operations ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao at pangkalikasan.


Ang pahayag ay bahagi ng kanyang pagninilay sa pagdiriwang ng Good Shepherd Sunday at bago ang pagsasampa ng kaso laban sa OGPI upang ihinto ang 2021 renewal ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa Didipio mining.

“Ilegal ang renewal na ito dahil hindi dumaan sa proper and prior consultation. Hindi nagkaroon ng panibagong environmental impact assessment. Mismo ang Environment Code ng Nueva Vizcaya ay hindi pinahihintulutan ang pagkakaroon ng open-pit mining,” ani Bishop Mangalinao.

Aniya, siya ay nakahandang lumaban para sa ikaliligtas ng likas na yaman ng Nueva Vizcaya laban sa mga mapaminsalang pag-unlad at hinimok niya ang mga mamamayan na makiisa sa panawagan upang tuluyang mapahinto ang pagmimina sa lalawigan.


Isinabay sa pagdiriwang ng Earth Day nitong Abril 22, 2024 ang pagtungo ng mga kinatawan ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC), Diyosesis ng Bayombong at mga apektadong pamayanan sa Bayombong Regional Trial Court para magsampa ng kaso laban sa operasyon ng OceanaGold.

Ayon sa 400-pahinang petisyong inihain sa Bayombong RTC, inihayag ng mga nagsampa ng petisyon na nakasaad sa Section 26 at 27 ng Local Government Code na kinakailangang ang pamahalaan ay magsagawa ng lokal na konsultasyon at humingi ng pahintulot sa bawat proyektong may malaking epekto sa kalikasan, kabilang ang pagsasaayos ng FTAA ng OceanaGold.


Tags: Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao

You May Also Like