May posibilidad na ipatupad sa lalong madaling panahon ang pagtaas ng minimum wage ng mga manggagawa sa bansa kasabay ng “rapid expansion” ng ekonomiya.
Ito ang naging pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) kasunod ng courtesy call sa Malacañang ni International Labor Organization director general Gilbert F. Houngbo.
Sinabi ni Marcos na sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakipag-ugnayan sa mga manggagawa, labor union at organisasyon para balansehin at maibsan ang “inflationary pressures” sa mga manggagawa.
“But I think our negotiations with workers, with the unions, with the different negotiations, we will be able to come to a good working number, a good compromise,” wika ni Marcos.
Ayon sa PCO, ang kasalukuyang minimum na sahod sa Pilipinas ay nasa pagitan ng P372 at P470, depende sa rehiyon.
Kaugnay nito, inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong Mayo sampung petisyon sa pagtaas ng sahod ang nakabinbin at sinusuri ng iba’t ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ihaharap ng DOLE kay Marcos, at sa iba pang miyembro ng Gabinete ang Philippine Development Plan 2020-2023 bago magdaos ng national tripartite conference.
Ipinahayag din ng Pangulo na ang mabilis na industrialization at ang pagpapalawak ng ekonomiya ay maaaring makaapekto sa sektor ng paggawa.
“When there is rapid industrialization and rapid expansion of the economy, there is a tendency to leave the labor sector behind and just exploit the labor sector,” hirit pa ni Marcos. (MARK ALFONSO)














