Latest News

Minimum wage pinarerepaso… RTWPB pinakikilos ng DOLE

SA harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at ilang pangunahing bilihin, posibleng hindi na sumasapat ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) para sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya kaya pinarerepaso ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang umiiral na minimum na pasahod sa mga manggagawa sa bansa.

Kaya inatasan ni Sec ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na madaliin ang pag-aaral sa minimum wages, sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo na may domino effect sa mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Sa isang statement, inatasan ng kalihim ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa buong bansa na paspasan ang pag-review sa minimum wages at maaaring maging basehan ang oil price increases dulot ng krisis sa Ukraine para magrekomenda ang mga wage board ng adjustment sa arawang sahod.


Inihalimbawa ni Bello ang kasalukuyang daily minimum wage sa National Capital Region na nasa P537 ay hindi aniya sapat para sa presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain gayundin sa iba pang gastusin sa bill ng kuryente at tubig.

Subalit nilinaw ng kalihim na kailangan pa rin aniyang isaalang-alang ang mga employer sa panukalang dagdag-suweldo.

“We have to consider not only the least of the workers but also the capacity of the employer. Talagang ang tagal naman nilang nawalan ng negosyo, kailan lang nagkaroon ng [Alert] Level 1,” ani Bello.

Nauna ng nakatanggap ng mga petisyon ang RTWPB hinggil sa minimum wage increase, isa dito ang panawagang pagkakaroon ng tinatawag na uniform increase ng P750 bilang minimum wage sa buong bansa.


Ayon naman sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), pag-aaralan pa nila kung magkano ang ihihirit na umento sa sahod.

Sa pahayag ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, maaring maglaro sa P300 hanggang P800 ang plano nilang hirit, lalo’t kinokonsidera ang sitwasyon ng mga negosyo ngayon,

“Kasi may mga region na heavily affected ng pandemic at noong [Bagyong] Odette, so isa ‘yan sa mga variable na nakikita namin,” ani Tanjusay.

Bukas naman ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa wage hike petition basta dadaan umano ito sa proseso at pag-uusapan nang maayos.


Pero aminado si ECOP President Sergio Ortiz-Luis na hindi kakayanin ng micro-employers ang kahit na magkanong dagdag-suweldo. (VICTOR BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read