MILYONG HALAGA NG NAKAW NA RTW IBINENTA ONLINE NABAWI, APAT TIMBOG

ARESTADO ang isang 31 anyos na itinurong nagnakaw ng nasa P5-milyong halaga ng Ready-to-Wear overrun garments sa bodega ng isang banyagang negosyante, sa Malate, Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ni P/Lt. Gary June Gading, hepe ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District ang suspek na siSadic Garangan alyas “Alex”, 31 anyos, residente ng Bagong Sikat, Paranaque City , na positibong itinuro ng jeepney driver at witness na si Ramon Aqustria, na naka-transaksyon para sa paghahakot ng mga nakaw na RTW.

Bukod kay Garangan na isinailalim na sa inquest proceedings nitong Biyernes (Enero 20) sa paglabag sa Article 302 (Robbery In An Uninhabited Place ) ng Revised Penal Code, ang tatlong natukoy na bumili ng kahun-kahong nakaw na garments ay sinampahan din ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti Fencing Law) na kinilalang sina Jomal Macarampat alyas “Azis” 24, online seller; Ainah Sultan, 24, online seller; at Akil Jamaloden, 23, driver , pawang residente ng Baclaran, Paranaque City.


Sa reklamo ng negosyanteng si Mr. Kowsar MD Abul, 59, RTW businessman , residente ng P. Guevarra St Sta. Cruz, Manila, Enero 18, 2023 alas 9:30 ng umaga nang madiskubre niya na nawawala ang nasa 500 kahon ng overruns garments na nagkakahalaga ng P5,000.000.00 .

Natuklasan ng kaniyang saleslady na si Jennifer ang mga nawawalang garments ay ibinebenta online sa Facebook.


Agad nagtungo sa Theft and Robbery Section ng Manila Police District (MPD) ang complainant at ikinasa ang entrapment kung saan poseur-buyer si P/Corporal Serafin Galpo Jr. at ang tindera ni Kowsar .

Alas 6:00 ng gabi ng Enero 19 sa entrapment operation, nang magmeet-up ang online seller na kinilalang sina Jemmilyn at Micaela sa Juan Luna Sts. Tondo para sa kahun-kahong banglatops at nang magkabayaran gamit ang boodle money, dumating sakay ng isang van ang mga suspek na sina Macarampat, Sultan at Jamaloden at ibinaba ang kahun-kahong items.


Dinakip sina Macarampat, Jamaloden at Sultan at sila na rin ang nagpatunay na walang kinalaman sina Jemmilyn at Micaela na nakaw ang kanilang ipinabenta.

Kasunod nito ang follow-up operation kung san natunton ang driver na si Austria. Swinabi ni Austria na nirentahan ang kaniyang dyip sa halagang P2,000.00 para umano sa ‘lipat-bahay’ na di niya inakalang ang hahakutin ay mga nakaw na garments.

Sinabi ni Austria na Enero 18, 2023 alas 12:30 ng madaling araw nang makita niya ang paghahakot ng mga kalalakihan ng mga kahon mula sa warehouse sa No. 1104 P. Gil St., Paco, Maynila at isinakay sa van, kung saan 10 kahon ang isinakay sa kaniyang dyip at dinala ang lahat sa No. 2051 Bagong Sikat, Paranaque.

Matapos ang coordination sa Southern Police District, isinama si Austria sa lugar kung saan idineliber ang mga nakaw na garments at itinuro din si Garangan na umupa ng kaniyang sasakyan. (Carl Angelo)

 

Tags: Manila Police District

You May Also Like

Most Read