LALO pa umanong inilantad ng Communist Terrorist Groups (CTGs) international front organizations na Migrante at International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang kanilang tunay na kulay sa lantaran nilang pagsuporta sa Hamas militants na nagpasimuno sa pataksil na pagsalakay sa Israel.
Ayon sa National Task Force-To End Local Conflict (NTF-ELCAC), ang mensaheng pagpapahayag ng suporta ng MIGRANTE at ILPS sa Hamas ay naglalantad sa tunay na kulay ng mga Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front’s umbrella organizations ng kanilang mga damdaming salungat sa kapayapaan.
“This expression of support exposes the true colors of the CTGs and their anti-peace sentiments. The CTGs always favored war over peace; the government has extended the hand of peace and reconciliation to them several times but they were too insincere enough to fulfill their commitment, “pahayag ni Usec Ernesto C. Torres, Jr., Executive Director, National Secretariat ng NTF-ELCAC.
Ayon kay Torres, laging pinapaboran ng mga CTGs ang digmaan kaysa kapayapaan at ilang beses nang iniabot ng gobyerno ang kamay ng kapayapaan at pagkakasundo sa kanila.
Dahil sa ipinakitang suporta ng mga komunistang grupo ay mariing kinondena ng NTF-ELCAC ang inilabas na message of solidarity at panawagan para sa international support ng CTGs international front organizations Migrante at ILPS at bigyang-katwiran ang mga teroristang aksyon na inilunsad ng HAMAS laban sa Israel.
Matatandaan na noong ika-7 ng Oktubre 2023 ay nagsagawa ang HAMAS ng pataksil subalit planadong pag-atake sa teritoryo ng Israel at brutal na pinatay ang mga inosenteng sibilyan, kung saan damay pati mga paslit.
Ani Torres, “Ang buhay ng mga inosente at walang armas na sibilyan ay dapat na iligtas mula sa mga kalupitan ng anumang labanan. Nakalulungkot, ang malupit na aksyon na ito ng HAMAS ay naglagay sa panganib hindi lamang sa mga mamamayan ng Palestine o Israel kundi pati na rin sa buong rehiyon ng Arab.”
Ang pangyayaring ito ay kumitil ng 4,000 buhay kabilang ang apat na Pilipino na lubha ring ikinagalit ng NTF-ELCAC.
Habang ang ating gobyerno at ang ating mga embahada ay walang pagod na nagsisikap para maibigay ang mga pangangailangan, pagliligtas at pagpapauwi sa ating mga kababayan sa ligtas na lugar, sinamantala umano ng Migrante/ILPS ang kaguluhang ito upang isulong ang kanilang mga pampulitikang agenda kaysa sa ating mga OFW na nakulong sa mga lugar ng tunggalian.
Sinamantala ng MI-ILPS ang paghihirap ng ating mga OFW at itinuro ang kasalukuyang mga patakaran ng migrant labor ng ating gobyerno na siyang sanhi ng kanilang paghihirap.
“Tanggihan ang terorista at ang pagtatangka ng mga CTG na maglabas ng mapanlinlang na kasinungalingan, takot at poot sa ating mga mamamayang Pilipino. Sa ating mga kapwa mamamayang Pilipino dito at sa ibang bansa, suportahan natin ang pagsisikap ng ating pamahalaan, magtulungan, at magsikap tungo sa pagkamit ng kapayapaan. Sama-sama nating malalagpasan ang hamong ito bilang isang bansa at iuuwi ang ating mga OFW nang ligtas sa kanilang bansa,” aniya.