By: JANTZEN ALVIN
INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) sa ikinasang entrapment operation kamakailan sa Muntinlupa City ang isang umano’y ‘midwife’ na sangkot sa pagbebenta ng bagong silang na sanggol ‘online’ sa halagang P25,000, sa pamamagitan ng Facebook.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), isinagawa ng NBI-HTRAD ang operasyon noong Hulyo 16, 2024 kasama ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DWSD), DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) at sa Cyber-TIP Monitoring Center.
Nakatanggap ang NBI-HTRAD ng impormasyon mula sa Cyber-TIP Monitoring Center na nagbebenta ang suspek ng bagong silang na sanggol sa isang Facebook page kaya’t kaagad na nagsagawa ng open-source intelligence gathering at verification hinggil sa naturang ilegal na aktibidad.
Isang NBI agent ang diumano ay nag-undercover at nagpanggap na interesadong bumili ng sanggol at pumayag naman ang suspek na nagpakilalang midwife, na makipagkita sa undercover agent, isang lugar sa Muntinlupa City, kung saan ipinakita nito ang sanggol, na 6-araw pa lamang naisisilang.
Nang kumpirmahin ng suspek ang kanyang intensiyon na ipagbili ang sanggol ay kaagad na itong inaresto ng mga awtoridad, saka sinagip ang sanggol, na nasa pangangalaga na ng DSWD.
Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Section 4 (g) ng Republic Act No. 9208 as amended by RA 10364 at RA 11862 o mas kilala sa tawag na “Expanded Anti-Trafficking in Persons and Child Trafficking sa ilalim ng RA 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Isinailalim sa inquest proceedings ang suspek sa DOJ noong Hulyo 17, 2024.














