Matapos mag-trending sa social media ang post ng dalawang pasahero na nabiktima umano ng pangangagat ng surot na ang itinuturong pinagmulan ay ang mga upuan na gawa sa rattan na binigay ng Department of Tourism sa NAIA Terminal 2 at Terminal 3 ay agad na inaksyunan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang nasabing reklamo, sa atas ni general manager Eric Ines.
Matatandaang nag-post sa social media ang isang pasahero ng mga pantal sa kanyang hita at ibang parte ng kanyang katawan, sabay nagbabala sa mga pasahero sa NAIA na huwag umupo sa rattan chair sa NAIA Terminal-2 na naging sanhi ng kanyang mga pantal. Itinuturo niyang dahilan ay kagat ito ng surot.
Sa inilabas na pahayag ay pinatitiyak naman ni Ines ang pagpapatupad ng maigting na sanitation measure sa NAIA Terminals upang hindi na madamay pa ang ilang mga pasilidad sa paliparan.
“A directive was also given for the conduct of comprehensive facility inspections and enhanced sanitation measures,” ayon naman sa kalatas na inilabas ni public affairs office chief Ma. Consuelo Bungag.
Hinihingan din ni Ines ng follow up report sa loob ng 24 oras ang mga terminal managers upang malaman ang resulta ng isinagawang sanitation measures.
“MIAA General Manager Eric Ines immediately ordered the Terminal Managers to look into the matter and provide him with a report within 24 hours stating the circumstances surrounding the incidents and their recommended corrective actions to put an end to this problem,” ani Bungag.
Humihingi rin ng paumanhin ang MIAA sa mga pasahero na nabiktima ng ‘bed bugs’ o surot sa nangyaring insidente, habang agad na nagbigay ang MIAA medical teams ng medical assistance sa ilang biktima ng surot .
Tiniyak din ng MIAA na ang mga pinamamahayan daw ng mga surot tulad ng mga upuan ay permanente nang inalis sa NAIA.
Matatandaan na ang mga nasabing rattan chairs ay inilagay sa nasabing terminal bilang bahagi ng proyekto ng Department of Tourism (DOT) na wala pang pahayag ukol sa nasabing isyu.