Nagsagawa ng inspeksyon si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Bryan Co kasama ang mga opisyal ng Cebu Pacific (CEB) sa NAIA Terminal 3 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kaugnay ng nalalapit na ‘Undas’ at Barangay and Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Co, inaasahan nila ang pagdagsa ng mga pasahero na itinatayang nasa 1.2 milyon mula sa October 27 hanggang sa pagtatapos ng Undas, gayundun pagbalik ng mga pasahero patungo ng Kamaynilaan.
Tiniyak ni Co na lahat ay plantsado na at maging ang mga empleyado na kakailanganin ay kanselado na ang ‘day off’ upang may sapat na bilang ng mga personnel na mag-aasikaso sa kasagsagan ng mga pasahero.
Unti-unti na rin umanong naisasaayos ang problema sa immigration habang ang mga airlines ay pinaghahanda na umano sakaling may mga posibleng delays at cancellations ng mga flight.
Ani Co, ang mga hakbang gaya ng pagpapakain sa mga pasaherong maaapektuhan ng ganitong sitwasyon ay nakalatag na rin.
Napag-alaman kay Michael Madamba ng CEB, may mga nakahanda na silang ‘arrangement ‘ sa mga kainan sa loob ng airport kung saan mabilis na mabibigyan ng pagkain ang mga pasahero sa pamamagitan lamang ng pag-scan sa bar code ng kanilang mga hawak na boarding pass.
Ayon pa sa kanya, pag nag-announce na sila at talagang na-cancel o na-delay ang kanilang flight ay automatic na ito at hindi na sila maghahanap pa ng mga pagkain para sa mga apektadong pasahero.
Tiniyak din ng CEB na may mga ground crew na din na hahanap at magbibigay ng information sa mga pasahero kung ano na ang status ng kanilang flights, bukod pa sa mas pinabilis nila ang proseso ng pagcheck- in ng mga pasahero ng kanilang mga bagahe maging ang pagkuha ng mga boarding pass, lalo na kung handcarry lamang ang dala nito.














