Mga utos at aral ni Hesus Nazareno, isabuhay at sundin — Cardinal Advincula sa mga deboto

By: Carl Angelo

Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga deboto na sundin at isabuhay ang mga kautusan at aral ng Poong Hesus Nazareno.

Sa kanyang homiliy nang pangunahan ang Midnight Mass sa Quirino Grandstand nitong madaling araw ng Huwebes bago ang pag-usad ng Traslacion 2025, sinabi ni Advincula na si Hesus Nazareno ang dapat nating sundin. Ang tema ng pista ng Nazareno ngayong taon ay “Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog sa mga Umaasa kay Jesus.”


Ayon kay Advincula, dapat ring isapuso ng lahat ang mga aral na itinuturo ni Hesus Nazareno at tularan ang Kanyang mga halimbawa.

Nanindigan rin ang cardinal na ang pagkakaroon ng pag-asa at pagtalima kay Hesus ang siyang tanda ng tunay na deboto.

Giit pa niya, ang pagpapa-impluwensiya sa pera, bisyo at maling gawa, ay magreresulta lamang sa kabiguan at kawalan ng pag-asa.


“Siya (Jesus Nazareno) ang sundin natin. Ang mga utos niya ang isabuhay natin. Ang mga aral niya ang isa puso natin. Ang halimbawa niya ang tularan. Mas mabuti ang pagsunod sa mahal na Senior,” ayon pa kay Advincula.

“Pag-asa kay Hesus at pagsunod kay Hesus; ito ang mga tanda ng tunay na deboto. Ipangako natin ito kay Hesus, siya lamang ang maaasahan natin, siya ang laging nating sundin,” aniya pa.


Binigyang-diin pa ng Cardinal na mayroong pag-asa dahil buhay si Hesus Nazareno sa ating puso, sa ating paligid at kasama natin.

“Nabubuhay siya sa mga puso natin, nabubuhay siya sa paligid natin, nabubuhay siya kasama natin. Huwag na tayong magpapatay-patay. Habang may pagasa, may buhay kaya’t mabuhay tayo sa pagasa kay Hesus,” ani Advincula.


Tags: Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula

You May Also Like