Binatikos ni Manila 2nd District Congressman Rolan Valeriano ang aniya ay mga ‘nagmamarunong na vloggers at trolls’.
Nag-react si Valeriano dahil ayon sa kanya ay minamaliit at kinukutya ng mga nasabing vloggers at trolls ang pagiging espesyalistang doktor sa balat o dermatologist ni Mayor Honey Lacuna.
Ani Valeriano, para sa kaalaman ng madla, 1992 pa naging doktor si Mayor Lacuna at mahigit 30 taon na siyang lisensyadong doktor.
Kabisado niya ang pagiging general practitioner at larangan ng public health dahil naglingkod siya noon sa Ospital ng Maynila, Manila Health Department, City Social Welfare Department at sa mga health center ng Tondo at Bacood.
“Kaya kayong mga bayarang vloggers diyan sa gedli-geldi, tabi-tabi, sulok-sulok at ilalim ng lupa, kumonsulta na kayo sa dermatologist dahil baka may kumapit na palang sakit sa makapal ninyong balat kasi di tinatablan ng kahihiyan,” ani Valeriano.
Dagdag pa niya: “O kaya magtakip na lang siguro kayo ng bayong sa ulo para itago ang inyong mukha. Kayo ang mga modernong MAKAPILI na binabayaran upang manira ng taong puro para sa kabutihan ng mga Manileño ang misyon sa buhay niya.
“Iskonian vloggers, mahiya kayo sa balat niyo!” ang galit pang wika ni Valeriano, na chairman din ng Committee on Metro-Manila Development at member ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kongreso.
Sa ganang akin, dapat tignan ng mga bumabatikos kung ano ba ang natapos nila at naabot sa buhay bago manlait ng iba, lalo pa ng isang doktora. Biro-biro ba ang maging doktora? Nakakatawa lang.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.