“Walang bastos, double meaning o fake news… no political advertisements or posts tungkol sa awayan, kaguluhan or hidwaan.”
Ang mga ito, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chair George Erwin Garcia, ay mga bagay na dapat iwasan kapag nagpo-post sa social media kaugnay ng darating na 2025 elections, partikular na sa pag-promote ng mga kandidato o politikal na issues, kasabay ng babala na maaring tanggalin ang mga ito kapag lumabag.
Sa kanyang pagdalo sa second year anniversary ng buwang forum ng Manila City Hall Reporters’ Association na “MACHRA Balitaan sa Harbor View,” sinabi ni Garcia na hindi direktang aakto ang Comelec sa mga post na bastos, fake news o disinformation at mga kahalintulad nito, dahil ito ay maaring isipin na paglabag sa ‘free speech’.
Gayunman, ayon sa kasunduan ng Comelec sa Meta, Google at Tiktok, may kapangyarihan ang mga nasabing social media platforms na alisin ang mga post na lumalabag sa mga probisyon ng kasunduan. Sa ganyang pagkakataon ay wala na umanong magagawa ang Comelec .
“Pupuwede sila (social media platforms) magtanggal, wala kaming magagawa… dun sila magrereklamo sa platform concerned,” ani Garcia.
Suportado umano ng naturang platforms ang Comelec na agarang alisin ang mga accounts ng unregistered candidates .
Nanawagan din si Garcia sa mga kandidato na iparehistro ang kanilang mga social media accounts habggang December 13, 2024, at aniya, “wala naman pong limit kahit ilan basta’t naka-rehistro sa amin. Otherwise, pupuwede po naming ipatanggal ang lahat ng posts na andiyan lalo pa’t ang purpose ay ikampanya ang isang kandidato.”
“Hinding-hindi po namin pakikialaman ‘yung content ng nakalagay sa posts dahil pag pinakialaman namin ‘yan lalabas na viol yan ng freedom of expresssion at freedom of speech,”dagdag pa nito.
Ani Garcia, ang mga rules o guidelines sa paggamit ng social media platforms ay isang ‘test’ bilang preparasyon sa 2028 Presidential at Vice Presidential elections.














