“Walang halaga ang mga salita ng isang taong hindi naman talaga bumababa sa mga barangay, umuuwi sa magarang condo sa BGC (Bonifacio Global City) at sumusulpot lang pag malapit na ang eleksyon. I-check nyo po ang mismong record ng MPD (Manila Police District), makikita nyo pong napakababa ng ating crime incidence kumpara sa buong populasyon ng Maynila.”
Ito ang deklarasyong ginawa ni Manila Mayor Honey Lacuna bilang reaksyon sa umano ay pagbabale-walang ginagawa ng isang dating alkalde ng lungsod sa mga pagsisikap ng pulisya, partikular ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni PBGen. Arnold Thomas Ibay, sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa lungsod sa loob ng 24 oras araw-araw.
Ayon kay Lacuna, “Walang basehan ang mga pananakot na ipinagkakalat ng ex-Mayor na gusto lang makabalik sa pwesto. Siyempre maninira siya na kesyo magulo daw, tapos ikukumpara nya noong panahon niya ng pandemya kung saan walang tao sa kalsada. Natural payapa noon, naka-lockdown buong Metro-Manila. So mga kababayan ko, wag po kayong magpauto.”
Sa kabila nang ang pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan sa anumang parte ng lungsod ay trabaho ng mga police districts na direkta namang nasa ilalim ng Philippine National Police at hindi ng mayor’s office, binigyang-kredito ni Lacuna ang pinaigting na presensya ng mga pulis at barangay security at sa mga nakaposisyong checkpoints sa iba’t-ibang panig ng lungsod para sa pagkakaroon ng mababang bilang ng krimen sa Maynila.
Batay sa talaan ng MPD, sinabi ni Lacuna na: “February is the first full month of checkpoints this year. In those 28 days, there were only 78 crime incidents reported by the 14 police stations in Manila. Compare that to February last year when there were 101 incidents. We, therefore, had a 22.7% drop in crime. These are the truthful facts, not made-up numbers like those of Numbeo circulating in social media.”
Ayon pa sa alkalde, ang pinabuting ‘crime situation’ o estado ng krimen sa lungsod ng Maynila ay bunsod ng pinagsama-samang epekto ng election period checkpoints at pinaghusay na crime-fighting presence ng MPD, barangay tanods at volunteers na nagsisilbing multiplier forces.
Partikular ding pinapurihan ni Lacuna ang mga police precincts at barangays sa mga lugar ng Baseco, Pandacan, Ermita at Tondo dahil sa pagbaba ng krimen doon.
Ang Baseco ay may zero reported crimes noong February habang ang Pandacan at Tondo ay mayroon lamang tig-isa. Delpan, Barbosa at Meisic ay may tig- tatlong insidente lamang. Sa 14 na police stations, 10 ang may single-digit incidence at tanging apat ang may mababang insidente mula 10 hanggang 15, ayon pa sa talaan ng MPD.
“I also anticipate heightened police presence because of the Barangay and SK elections when there will also be checkpoints to deter crimes,” dagdag pa ng alkalde.
Kaugnay nito ay desidido umano ang pamahalaang-lungsod ng Maynila sa paglalagay ng mga CCTV systems upang mahadlangan ang mga krimen, dahil aniya sa tulong na nakukuha sa mga CCTV para sa mabilis na ikalulutas ng mga krimen.