Latest News

Nagpakuha ng larawan ang mga kawani ng lungsod kina Mayor Honey Lacuna at barangay bureau chief Gilbert Sugay sa flagraising ceremony sa Manila City Hall kung saan pinapurihan ng alkalde ang mga hepe ng barangay para sa kanilang walang sawang pagtulong sa lokal na pamahalaan.

MGA PUNONG-BARANGAY SA MAYNILA, PINURI AT PINASALAMATAN NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

PINAPURIHAN at pinasalamatan ni Mayor Honey Lacuna ang mga pinuno ng 896 barangays sa lungsod sa pagpapakalat ng kaukulang impormasyon ukol sa mga programa ng pamahalaang-lungsod para sa kapakinabangan ng mga residente ng Maynila.

Sa kanyang maikling mensahe sa flagraising ceremony sa City Hall nitong Lunes, nanawagan din si Lacuna sa mga residente na palagiang makipag-ugnayan sa kanilang barangay upang matiyak na ang lahat ng kanilang karaingan, reklamo at iba pang usapin ay makarating sa kanilang mga chairmen upang magawan agad ng aksyon ang mga ito.

Lubha ring pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng punong-barangay sa Maynila, dahil sa patuloy nilang pagtulong sa administrasyon upang matugunan lahat ng pangangailangan ng mga residente sa kanilang nasasakupan.


Kasabay niyan ay inanyayahan rin ni Lacuna lahat ng mga barangay chairpersons na ‘wag mag-atubiling humingi ng tulong sa pamahalaan pagdating sa mga usapin ng kanilang nasasakupan.

Hinimok din ni Lacuna lahat ng mga pinuno ng barangay na palagiang makipag-ugnayan sa Manila Barangay Bureau na pinamumunuan ni Gilbert Sugay, na nagbigay din ng katiyakang laging bukas ang kanyang tanggapan para sa lahat ng pinuno ng barangay para sila ay tulungan o marespondehan sa anumang paraan.


Binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng papel ng mga barangay dahil sila ang unang sinasabihan ng pamahalaang-lungsod ukol sa mga bagong programa, serbisyo at regulasyon na ipinatutupad ang lungsod. Ang mga barangay naman ang siyang nagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga bagay na ito upang malaman kaagad ng mga residente.

Sa ganitong paraan, lahat ng taga-Maynila ay magkakaroon ng sapat na kaalaman ukol sa mga serbisyo na maari nilang pakinabangan o makatutulong sa kanila.


Partikular ding pinapurihan at pinasalamatan ni Lacuna ang mga punong barangay sa kanilang regula na pagtulong sa pamamahagi ng mga buwanang ayuda para sa senior citizens, solo parents, persons with disability at minors with disability.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read