Ito ang ginawang pagtitiyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), kasunod ng pahayag ng Department of Justice na may mga sangkot na tauhan ng gobyerno, kabilang ang ilang pulis, sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, “Wala tayong sasantuhin—sibilyan man, opisyal, o kapwa pulis.”
Pahayag ng tagapagsalita na wala silang palalagpasin sa imbestigasyon ukol sa pagkawala ng 34 na sabungero matapos ang pahayag ng isa sa mga akusado na umano’y may sangkot na pulis sa krimen.
Kinumpirma naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pakikipag-ugnayan niya kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, bunsod na rin ng isyu na may sangkot umanong mga pulis bukod pa sa ilang mataas na opisyal ng gobyerno.
Ibinunyag ng Department of Justice na may sangkot umano na opisyal ng pamahalaan sa kaso ng mga nawawalang sabungero noong 2022.
Sa isang panayam ay tumangging sabihin ni Remulla kung nabangit ba ng umaaktong whistleblower ang pangalan ng mastermind sa likod ng pagkawala ng mga sabungero, subalit binanggit nito na may police officers, government officials at ilang individuals mula Visayas region ang sangkot.
“May grupo iyan, kasama, pero meron talagang corporate set-up iyong principal na kumikilos,” ani Remulla sa nasabing panayam.
Sinabi rin ni Remulla na posibleng mahigit 100 ang mga sabungerong pinaghihinalaang sangkot sa dayaan ang pinatay at itinapon umano sa Taal Lake.
Nakaantabay ang PNP na tumulong sa Department of Justice (DOJ) at magbigay ng seguridad sa akusadong nais maging state witness, kahit wala pa silang natatanggap na pormal na kahilingan.
Aniya, mapagkakatiwalaan ang testimonya ng saksi na nagsabing itinapon sa Taal Lake ang mga bangkay at binabayaran umano ng ?500,000 ang bawat pagpatay.
Maging ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard ay nagpahayag na din ng kahandaan na tumulong sa paghahanap ng mga nawawalang sabungero na sinasabing inilibing na sa Taal lake.
Ayon kay Navy Spokesman Capt. John Percie Alcos, wala pang koordinasyong ginagawa sa kanila ang DOJ para sila kumilos at posible rin umanong gamitin ang technical expertise ng Japan partikular sa paggamit ng mga submersible drones o ‘unmanned vehicle’ para suyurin ang ang kalaliman ng Taal Lake na sinasabing umaabot sa 500 talampakan.














