MAHIGPIT nang ipinagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang pagdi-display at paglalagay ng mga visible tattoos sa lahat ng mga pulis.
Ito ay makaraang bawiin ang moratorium sa naturang kautusan hinggil sa mga lantad na tattoos ng mga pulis, kasunod ng masusing review, kaya tuloy na muli ang pagpapatupad nito.
Binigyan ni PNP chief General Rommel Marbil ng tatlong buwan ang kapulisan upang burahin na ang kanilang mga tattoo na lagpas o lantad kapag naka-uniporme.
Ang sinumang lumabag dito ay mahaharap sa kasong administratibo.
Napag-alaman na kasalukuyang inaayos na ng pamunuan ng PNP ang proseso sa pagbubura ng mga tattoo, ani Public Information Officer (PIO) Chief Police Colonel Jean Fajardo,
Sinabi pa ni Fajardo na tanging mga ‘visible’ o mga nakikitang tattoo lamang ang dapat matanggal.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan nitong March 2024, pinatatanggal ang lahat ng visible tattoos ng mga pulis.
Required din umano na gumawa ng affidavit ang isang pulis na may tattoo na hindi visible at hindi na ito pinahihintulutan pang magdagdag ng tattoo sa anumang parte ng kanyang katawan kahit ito ay naitatago sa kanyang police uniform.
Kabilang sa mga tattoo na kailangang ipa bura ay ang sumusunod:
– Extremist tattoos
– Ethnically or religiously discriminatory and offensive tattoos
– Indecent tattoos
– Racist tattoos
– Sexist tattoos
– Tattoos associated with “prohibited or unauthorized”
Hindi naman sakop ng bagong patakaran ang ‘aesthetic tattoos’ tulad ng eyebrows, eyeliner at lip tattoo.
Matapos ang tatlong buwan na hindi pag-comply ay kanilang isasailalim sa imbestigasyon ang mga ito.
Hindi rin sasagutin ng PNP ang pagpapatanggal ng tattoo dahil wala aniya silang kagamitan para dito.
Una rito ay nagpahayag si Marbil na dapat, ang mga pulis ay walang tattoo na nakikita o nakalabas dahil hindi aniya maganda sa kanilang uniporme.














