Mga polisiya upang madagdagan ang take home pay ng mga guro, ipatutupad ng DepEd

By: Baby Cuevas

Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) ng mga polisiya upang madagdagan ang take home pay ng mga guro sa buong bansa.

Sa kanyang presentasyon ng 2024 Basic Education Report (BER 2024) sa Sofitel Hotel sa Pasay City kahapon, sinabi ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na hindi sila titigil sa paghahanap ng mga pamamaraan at paglalatag ng mga polisiya upang tugunan ang mga isyu ukol sa net take-home pay ng mga guro.


Ayon kay Duterte, isa sa mga naturang polisiya ay ang “Teaching Overload Pay” upang matiyak na ang mga guro ay nababayaran ng tama para sa mga oras na ginugugol nila sa pagtuturo, na lampas sa anim na oras na limitasyon, alinsunod sa Magna Carta for teachers.

Target rin aniya ng DepEd na mabigyan ng kumpensasyon ang mga guro sa kanilang pag-o-overtime.

Ani Duterte, sa susunod na budget cycle ay magpapanukala sila ng budget na magpapahintulot sa kanila upang mabigyan ng overtime pay ang mga guro.


Dati-rati kasi aniya ang mga guro ay nabibigyan lamang ng service credits para sa mga non-performing tasks na ginagawa nila sa labas ng kanilang regular working hours.

Magtatatag rin umano sila ng calamity fund upang mabigyan ng agarang tulong pinansiyal ang mga guro at mga personnel sa panahon ng disaster, gayundin sa medical emergencies.


Sinabi pa ni Duterte na nakipag-ugnayan na ang DepEd sa World Bank upang humingi ng tulong para sa isang pag-aaral hinggil sa sweldo ng mga guro, na siya umanong gagamiting basehan ng ahensiya sa ipapanukalang salary increase ng mga ito.


Tags: Department of Education (DepEd)

You May Also Like