Nagpayo ang Department of Health (DOH) sa publiko na magsuot ng face mask sa pagtungo sa matataong lugar ngayong Mahal na Araw, dahil na din sa pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa sa ngayon.
Ayon kay DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, bagamat hindi pa naman dapat ikabahala ang pagdami ng COVID-19 cases, ay mahalaga pa ring mag-ingat ang mga mamamayan upang hindi mahawahan ng sakit.
“Marami po sa ating kababayan they chose to go to Mass. So, marami hong tao sa mga simbahan… Mag-mask po tayo kapag maraming tao sa isang lugar para tayo ay protektado pa rin,” ayon kay Vergeire, sa isang pulong balitaan nitong Martes.
Hinikayat rin naman ni Vergeire ang publiko na magpabakuna at magpaturok ng booster doses, para magkaroon ng dagdag na proteksiyon laban sa virus.
“In spite of meron tayong kaunting pagtaas sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang ating mga ospital remains to be manageable,” aniya pa. (Jaymel Manuel)














