Mga Pinoy, hinikayat ni VP Sara na magkaisa sa pamamagitan nang pagboto

By: Baby Cuevas

Hinikayat kahapon ni Vice President Sara Duterte ang mga Pinoy na magkaisa sa pamamagitan nang pagboto.

Ang pahayag ay ginawa ni Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), sa gitna na rin nang idinaos na 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahapon.

Si Duterte ay maagang nagtungo kahapon sa Daniel R. Aguinaldo National High School sa Davao City upang bumoto.


Hinikayat rin niya ang mga mamamayan na ipamalas ang diwa ng demokrasya ng bansa sa pamamagitan nang pakikilahok sa halalan.

“Sa isang makasaysayang araw, nagtipon ang libu-libong Pilipino upang ipamalas ang diwa ng ating demokrasya sa pamamagitan ng pakikilahok sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Bilang isang demokratikong bansa, ang araw na ito ay simbolo ng pag-asa at pagkakaisa para sa ating lahat,” aniya pa.

Dadag ng bise presidente, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga opisyal sa barangay dahil sila ang nasa unang antas ng pamamahala sa gobyerno na maaring magbigay tulong at solusyon sa mga problemang kinakaharap ng mga tao sa community level.

Dahil dito, ang integridad at dedikasyon aniya ng mga ito sa paglilingkod ay kailangang suriin at tukuying mabuti.


Giit pa ni Duterte, ang halalan ay isang natatanging proseso na kung saan lahat ng Pilipino, anuman ang estado sa buhay, ay nabibigyan ng pagkakataong makapag ambag para sa Bayan sa pamamagitan ng pagpili ng karapat dapat na mamuno sa ating lipunan.

“Ipakita natin ang ating pagkakaisa bilang isang bansa sa pamamagitan ng pagboto,” aniya pa. “Ako po si Inday Sara Duterte, mula sa Davao City, nagpapahayag ng aking suporta para sa isang malinis, tapat, maayos, at mapayapang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Magsama-sama tayo sa pagtahak ng daan tungo sa mas makabuluhang kinabukasan para sa ating mahal na Pilipinas.”

Aniya pa, “Mga kababayan, patuloy tayo maging MATATAG sa pagtaguyod ng isang Bansang Makabata at mga Batang Makabansa. Ang lahat para sa Diyos, Bayan at Pamilyang Pilipino. Shukran.”


Tags: Vice President Sara Duterte

You May Also Like

Most Read