MGA PANTALAN, TAHIMIK SA SEMANA SANTA – PCG

By: Jantzen Alvin

INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang anumang maritime incidents o mga hindi inaasahang pangyayari na naitala sa mga pantalan nitong nakalipas na Mahal na Araw.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, bagamat nagkaroon ng mga pag-ulan sa ilang panig ng bansa nitong mga nakalipas na araw ay nanatili naman aniyang payapa ang karagatan at walang anumang maritime incidents na naitala.


Gayunman, tiniyak ni Balilo na sa kabila nito ay hindi sila magiging kampante at patuloy pa rin aniya silang magiging alerto lalo na ngayong nagsisimula nang magsibalikan sa Metro Manila ang mga mamamayang nagsiuwian sa kani-kanilang lalawigan noong Semana Santa.

Aniya, mananatili ring nakataas ang alerto ng PCG hanggang sa makabalik na ang lahat ng biyahero sa Kamaynilaan ngayong Lunes, Abril 1, 2024.

Iniulat rin ni Balilo na umaabot sa kabuuang 173,000 outbound passengers ang kanilang na-monitor at 152,000 sa mga ito ay base lamang sa kanilang tala hanggang noong Sabado lamang.

Aniya, may ilang pantalan ang nakaranas ng bahagyang pagkaantala sa kanilang biyahe, ngunit madali naman aniya itong nabigyan ng solusyon.


Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like

Most Read