NADISKUBRE ng mga tauhan ng Philippine Army 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division ang naka imbak na mga baril at pampasabog ng communist New Peoples Army sa bayan ng Labo , Camarines Norte.
Sa isinumiteng ulat kay Phil. Army Commanding General Roy Galido mula kay Maj. Gen. Cerilo Balaoro Jr. ng Army 2nd Infantry Division nabawi ng kanyang mga tauhan ang limang M16A1 rifles, isang M1 Carbine, isang shotgun, rifle grenade, limang long magazines at 340 rounds ng 5.55mm live ammo.
Bukod pa rito ang 13 Anti-Personnel Mines na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Article of War ng Geneva Convention at isang rolyo ng detonating cord.
Napag-alaman na nagsagawa ng focused military operation ang 16th infantry Battalion na nasa ilalim ng 201st Infantry Brigade sa Barangay Malatap matapos na makatanggap ng intel report mula sa mga local na residente hinggil sa imbak na war materials ng CPP-NPA sa lugar.
Pinapurihan naman ni 2ID Commander Major General Cerilo Balaoro, Jr. ang kanyang mga tauhan sa nadiskubreng arms cache, na masasabing matinding dagok na nalalabing NPA.
“The continuous recovery of firearms and explosives proves the NPA’s dwindling strength. Their inability to retrieve these weapons shows they are continuously losing ground,” pahayag ni Maj. Gen. Balaoro kasunod ng pasasalamat sa tuloy -tuloy na suporta ng taong bayan sa kanilang kampanya kontra CPP-NPA.
Muling nanawagan si Maj. Gen. Balaoro sa mga nalalabing NPA terrorists na samantalahin na ang alok na pagbabagong- buhay ng Marcos, Jr. administration at mamuhay kasama ang mga mahal sa buhay.