INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Law Department ng Commission on Elections (Comelec) ang sumbong ng paglabag sa Omnibus Election Code ng mga opisyales ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) partikular ang ban sa ‘hiring at transferring’ ng mga tauhan ngayong election period.
Sa natanggap na reklamo ng Comelec, itinuro sina bagong talagang NCMF Secretary Atty. Guiling A. Mamondiong, ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Manggay A. Guro Jr., at Executive Director Tahir S. Lidasan Jr., dahil sa pagpapalabas ng utos na labag sa Sec. 261 (g) ng Omnibus Election Code.
Ayon sa sumbong, lumikha umano si Sec. Mamondiong ng mga posisyon na Assistant Bureau Director, Assistant Regional Director, at Assistant Service Directors. Gumawa rin umano siya ng ‘premature termination’ sa kontrata ng mga ‘job orders’ na tauhan at kumuha ng mga bagong J.O.
Tinanggal rin ng kalihim ang mga pinuno ng mga opisina at nagtalaga ng kanilang mga kapalit. Isinagawa ang galawan ng mga tauhan ng wala umanong kaukulang eksempsyon mula sa Comelec.
“The COMELEC Law Department is currently investigating the complaint whether the NCMF violated the provisions of election law. The COMELEC has the Constitutional mandate to enforce and administer all laws and regulations relative to the conduct of an election,” pahayag ng komisyon.
Habang papalit ang halalan, muling nanawagan ang Comelec sa lahat ng opisyal ng mga ahensya ng pamahalaan na mahigpit na sumunod sa election laws at regulasyon.
“The COMELEC warns that election offenses carry the penalty imprisonment of not less than one year but not more than six years and shall not be subject to probation. The COMELEC will be fair but strict in the implementation of election laws for a honest and credible elections,” dagdag pa ng Comelec. (Philip Reyes)