Ating ipagdasal ang mga yumao upang mapanatiling banal at taimtim ang paggunita ng Undas ngayong taon.
Ito ang naging paalala ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, Antipolo Bishop Ruperto Santos at Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco sa mamamayan sa paggunita ng All Saints at All Souls day sa bansa.
Umaasa umano si Bishop Pabillo na ituring ng mga mananampalataya ang Undas na isang taimtim na selebrasyon ng pag-alala sa buhay ng mga yumao at mag-alay ng panalangin sa mga santo ng simbahang katolika.
“Para sa ating mga katoliko, isang malaking pagkakataon din ito na tayo’y makapagsimba upang magdasal para sa mga yumao natin at ganundin upang tayo ay makapagdasal sa sementeryo para sa mga mahal natin sa buhay, alam po natin na hindi napuputol ang ating relasyon sa mga nauna sa atin dahil lang sa kamatayan, mas malakas ang pananamapalataya at pag-ibig kaysa kamatayan, kaya kahit na sila’y wala na, may koneksyon pa tayo sa kanila, sa pamamagitan ng ating pagdadasal para sa kanila,” ayon pa sa kanya.
Ipinaalala naman ni Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco sa mamamayan na panatilihing banal ang panggunita sa UNDAS.
Ipinapanalangin umano i Bishop Pabillo na gamitin ng mga mananampalataya ang panahon ng Undas upang patuloy na mapatibay ang pananampalataya at mangumpisal sa mga kasalanan.
“At mayroon po tayo, sa simbahan ine-encourage po ang pagbisita sa mga sementeryo’t magdasal kaya mayroon pong plenary indulgence sa lahat ng mga magdadasal sa sementeryo sa loob ng unang walong araw ng Nobyembre, Magdasal tayo para sa intensyon ng Santo Papa, tumanggap tayo ng banal na komunyon kahit na sa anong araw na yon at kung hindi nakapag-kumpisal ay mangumpisal din tayo at bumisita sa sementeryo at manalangin,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Hinimok naman ni Bishop Santos ang mananampalataya na tularan ang kabanalan ng mga Santo sa paggunita ng All Saints day.














