Inihayag ng state weather bureau ng Pilipinas na nakalabas na kahapon sa Philippine area of responsibility ang Super Typhoon Julian subalit posible umanong muli itong pumasok sa bansa ngayong Miyerkules, matapos na manalasa sa Taiwan at ilang bahagi ng China .
Sa ulat ng PAGASA, lumabas sa PAR ang bagyo Martes ng umaga gayunman, maaari umanong bumalik si Julian sa loob ng PAR sa Miyerkules ng umaga o hapon.
“At 9:00 AM today (October 1), lumabas ng PAR ang Super Typhoon JULIAN. Baka makapasok ulit sa PAR bukas ng umaga o hapon,” anang PAGASA sa Facebook post nito.
Sa 5 a.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na makikitang pumihit si Julian patungo sa dagat timog-kanluran ng Taiwan sa Martes hanggang madaling araw ng Miyerkules.
Magla-landfall ito sa kahabaan ng timog-kanlurang baybayin ng Taiwan sa Miyerkules ng umaga o hapon.
Maaaring lumipat si Julian pahilagang silangan patungo sa East China Sea at lumabas ng PAR sa Huwebes ng hapon o gabi, ayon sa PAGASA.
Sa huling datos na ibinahagi ng National Disaster Risk reduction Management Council (NDRRMC), may kabuuang 77,249 katao o 22,645 pamilya ang naapektuhan ng bagyong ‘Julian’ sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera.
Napag-alaman na sa Batanes pa lamang ay umaabot na sa mahigit 2,400 bahay ang napinsala sa pananalasa ni Super Typhoon Julian, ayon kay Governor Marilou Cayco nitong Martes.
Sa mga apektadong populasyon, 762 katao o 254 na pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang 1,031 indibidwal o 327 pamilya ang nakasilong sa ibang mga lugar.
Suspendido ang klase sa 253 lugar at iskedyul ng trabaho sa 108 lugar dahil kay Julian.
Ang tulong na nagkakahalaga ng P987,732 ay naibigay na sa mga biktima ni Julian sa ngayon, ayon sa NDRRMC.
Babala ng PAGASA, may “moderate to high risk of life-threatening storm surge sa loob ng 48 oras sa mga low-lying areas or exposed coastal localities .
“Gale warning is hoisted over the northern and western seaboards of Northern Luzon,” anang Pagasa.
Pinayuhan naman ng DPWH ang mga biyahero na mag-ingat sa pagmamaneho at pagbibiyahe sa northern Luzon dahil sa nananatiling malaki ang posibilidad ng rockslide at landslide lalo na sa mga dumadaan sa mga kalsadang malapit sa kabundukan.