MGA NAGKANLONG KAY QUIBOLOY, TUTUGISIN NA NG PNP

By: Victor Baldemor Ruiz

PINASIMULAN na ng Philippine National Police ang mga hakbang para mapanagot ang mga tao o grupong nagkanlong at tumulong kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy at mga kakosa nito para makaiwas sa inilunsad na law enforcement operation.

Sa ulat, inumpisahan na rin umano ng PNP ang masusing imbestigasyon para papanagutin ang mga taong nagkanlong kay Quiboloy.


Sinasabing kaugnay ito sa nakatakdang pagsasampa ng kasong obstruction of justice ng PNP laban sa mga indibidwal na tumulong sa pagtatago noon ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader.

Una nang inihayag ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na imposibleng makapagtago si Quiboloy nang walang tulong mula sa malalapit na tao sa kanya at legal representatives na sadyang niligaw umano ang PNP sa kinaroroonan nito.

Inatasan din ni Marbil si Criminal Investigation and Detection Group director MGen. Leo Francisco na pangunahan ang pangangalap ng mga ebidensya upang positibong makilala ang mga nagtago kay Quiboloy.


Banta ni Gen Marbil, sino man ang mapapatunayang nagkanlong sa pugante ay mahaharap sa kasong obstruction of justice.

Si Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at qualified human trafficking, ay sumuko sa loob ng KOJC compound kasama ang apat na kapwa akusado nitong September 8, nang maramdaman nilang napapaligiran na sila at anumang oras ay makukubkob na sila ng pulis at militar.


Magugunitang inihayag ni Marbil na na maglunsad na ng full investigation para sa mga taong sangkot sa pagtatago ng pastor.


Tags: Apollo Quiboloy

You May Also Like