PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang mga botante na dadapuan o may sintomas ng COVID-19 sa mismong araw ng eleksyon na huwag nang lumabas at manatili na lamang sa kanilang bahay o sa ‘isolation’ upang hindi na makapanghawa pa ng iba.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito naman ang palagiang ipinapayo ng ahensya dahil sa mas importante ang kalusugan at buhay ng tao.
Naniniwala naman umano sila na na napaka-importante ng eleksyon at ng pagboto ng bawat Pilipino, pero hindi naman umano nararapat na magkahawa-hawa ang lahat na magdudulot ng mas malaking problema.
“Gusto natin i-exercise natin ‘yung right na ‘yan. Pero kapag tayo ay may sintomas na, hindi po natin pwedeng ipilit kasi you might be infecting other people,” giit ni Vergeire.
Nilinaw ni Vergeire na pinapayuhan lamang ng DOH ang tao at kailangan ng ibayong kooperasyon para mapanatili ang mababang mga kaso sa bansa at maluwag na quarantine status.
Sa panig ng Commission on Elections (Comelec), maglalagay sila ng hiwalay na ‘voting area’ malapit sa mga presinto para sa mga botante na kakikitaan ng sintomas ng virus sa halalan. (Carl Angelo)














