Peoples Tonight Online

MGA MANILENYO, MAG-INGAT SA ‘AHAS’ NGAYONG ‘YEAR OF THE SNAKE’

By: Bernie Ang

Unang-una sa lahat, nais kong iparating sa lahat ang aking mainit na pagbati ng “Kung Hei Fat Choi” o “Go Xing Fa Chai” sa okasyon ng pagdiriwang ng bansa ng Chinese New Year ngayong January 29, 2025.

At dahil ang papasok na taon ay ‘Year of the Snake,” nais ko na ring pag-ingatin ang publiko laban sa mga ‘ahas’ na nakapaligid sa inyong tabi-tabi, lalo na sa mga ‘nag-ahas’ sa atin.


‘Wag na tayong lumayo. Ultimo kami sa samahan ng Asenso Manileño ay hindi nakaligtas sa pinakamalaki na atang ‘ahas’ na aming nakita sa aming tanang buhay.

Mula sa isang uod ay aming pinagtulung-tulungang alagaan ang ‘ahas’ na ito upang lumaki, lumakas at umasenso sa buhay pero nang kalaunan ay kami rin ang unang sinagpang. Ni hindi na nga nagpasalamat o tumanaw ng utang na loob, gusto pa kaming kainin ngayon nang buong-buo.

Gayunman, kami sa Asenso Manileño ay nananatiling solido laban sa kawalan ng utang na loob at sa mga ahas na kagaya ng aking nabanggit. Nagpapasalamat ako at di hamak na nakahihigit ang aming mga kasamahan na patuloy na naninindigan at nananataling nasa tabi ni Mayor Honey Lacuna.


Gaya nila, ako man ay hindi aalis sa tabi ni Mayor Honey dahil kami ay naninindigan para sa tunay na makapagbibigay ng “tapat at totoo” na serbisyo para sa lungsod at mga mamamayan nito.

Isipin na lang na lima sa anim na Congressman ng lungsod ang piniling manatili kay Mayor Honey. Gayundin, mayorya ng mga Konsehal at department heads ang na kay Mayor Honey pa rin.


Nangangahulugan lamang na naniniwala silang si Mayor Honey ang nasa tama at higit na karapat-dapat na maging alkalde ng Maynila sa mga susunod pang taon.

Maliwanag ding tingin nila ay hindi tatalunin si Mayor Honey ng sinuman sa darating na halalan dahil kung hindi ay nag-uunahan na sana sila na tumiket sa iba, lalo na dun sa maingay sa social media na siya daw ay panalo na.


Kung totoong panalo na, bakit panay ang labas ng mga inimbentong survey at pamumudmod ng salapi kaliwa’t-kanan? Malayo pa ang kampanya pero todo arangkada na sa mga gawaing na maliwanag pa sa sikat ng araw ay mga uri ng pangangampanya na hayagang paglabag sa batas dahil Marso 28 pa ang tunay na umpisa ng campaign period.

Sanay na sanay talaga sa paglabag sa batas ang taong ito at ang kapuna-puna, hindi nakasentro ang kanyang kampanya sa kung ano ang plano nya kundi sa halip, nakasentro siya sa paninira kay Mayor Honey.

Wala na ngang utang na loob, ni hindi pa marunong gumalang sa babae. Hindi pa sapat na siya ay nag-ahas sa grupong itinuring, kinupkop at inalagaan siya bilang pamilya, nakukuha pa niyang siraan ang mga miyembro nito, lalo na si Mayor Honey.



Pero ni hindi niya masagot nang maayos ang isyu ng P17.8 bilyong utang na iniwan niya kay Mayor Honey na hindi man lang alintana kung saang kamay ng Diyos ito kukunin ni mayora.

Ngayong taong 2025 ay P2.3 bilyon ng pondo ng Maynila ang mapupunta lang sa partial na pagbabayad ng utang na ‘yan. Pondo na sana ay maaring magamit pandagdag ayuda sa senior citizens, PWDs, solo parents at mga mag-aaral sa kolehiyo. Pondo na puwede sanang maidagdag pambili ng mga libreng gamot at iba pang serbisyo medikal o di kaya ay dagdag pasilidad sa mga paaralan.

Matapos iwanan ang Maynila dahil sa ambisyong hawakan ang buong Pilipinas, heto na naman siya at sinusubukang makabalik dahil balitang-balita na atat na itong tumakbo ulit bilang Presidente sa 2028.

Kawawa ang Pilipinas pag nagkataon kaya dapat, di na ito papormahin sa Maynila dahil gagamitin lang niya ang pagiging mayor para sa balak na muling pagtakbo sa 2028 presidential election. God forbid.

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like

Most Read